Zamboanga – Patay sa pamamaril ang bise alkalde ng munisipalidad ng Sapa Sapa sa probinsiya ng Tawi-Tawi kahapon (July11).
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakasakay sa kotseng toyota innova si Vice Mayor Al-Rashid Mohammad Ali nang pagbabarilin ito ng riding-in-tandem habang binabagtas ang kahabaan ng Governor Alvarez Avenue.
Agad namang tumakas ang mga suspek matapos isagawa ang krimen.
Ayon kay Zamboanga City Police Office director Senior Supt. Allan Nazaro, kasama ng bise alkalde ang kaniyang pamilya at ang isang security escort nang mangyari ang pamamaril.
Dineklarang dead on arrival si Ali sa ospital matapos magtamo ng tatlong tama ng baril sa kaniyang dibdib.
“We’re still investigating the motive for the killing,” sabi pa ni Nazaro.
Ikalawang bise-alkalde at Ika-apat na local na opsiyal na si Ali na napaslang simula noong nakaraang linggo.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Tanauan Mayor Antonio Halili ng Batangas, General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote at si Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan. (Remate News Team)