Vico kay Pasig VM: Magtanong sa formal bodies, ‘di sa socmed

Vico kay Pasig VM: Magtanong sa formal bodies, ‘di sa socmed

January 25, 2022 @ 1:40 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Hinikayat ni Pasig Mayor Vico Sotto si Vice Mayor Iyo Bernardo na magtanong sa formal bodies kaysa sa social media.

Ani Sotto, hindi niya pinanood ang pahayag ni Bernardo na tumutuligsa sa kanya sa pag-hire ng non-Pasig residents sa ilang posisyon at paggamit umano ng social media upang makakuha ng atensyon.

“Kung may specific siyang tanong, part naman siya ng body ng ating gobyerno,” dagdag ni Sotto sa isang panayam.

“Tanungin niya through the formal mechanisms, through the formal bodies. Hindi yung through media o ano, kasi sitting official siya.”

Sinalungat naman ni Sotto na ang usapin na tinawagan niya si Bernardo bago niya ito publikong sitahin ang hindi pagdalo nito sa mga pagpupulong.

“Gusto mo ipakita ko pa yung received notice? Papel yun ha [hindi text o tawag].”

“Lahat naman nag-aattend. Imposible namang hindi [niya alam],” dagdag pa ni Sotto.

“Hindi ko naman pinanood na, pero sino ba yung tinutukoy niya? Baka naman yung mga kinonfirm niya din.”

“Hindi po ito laro-laro. Kailangan ang mga tao natin, kung sino ang pinakakuwalipikado,” punto ng mayor.

“Lalo na sa mga high-level positions requiring expertise, ang una mo dapat na tinitingnan kuwalipikasyon… Technical expertise, local finance expert, iilan lang ‘yan. Yung mga disaster risk management expert, ilan lang sila sa Pilipinas na qualified.”

Sa kabila nito, sinabi ni Sotto na ipagpapatuloy niya ang kanyang trabaho para sa ilang prayoridad na proyekto.

“Tao naman ang maghuhusga… Sa akin, hindi naman importante kung ano yung mga nasabi niya.”

“‘Yung mga kailangan pirmahan, hindi puwede ipagpaliban yun kasi made-delay ang ibang bagay na ako lang yung authorized signatory,” lahad pa nito.

“Hindi ko naman maiwan sa vice mayor yung mga papel.” RNT/FGDC