Vico Sotto, 9 iba pa itinalagang policy advisers ng EDCOM II

Vico Sotto, 9 iba pa itinalagang policy advisers ng EDCOM II

December 14, 2022 @ 2:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinangalanan ng Senado nitong Martes, Disyembre 13 ang walong indibidwal at dalawang civil society organizations para maging policy advisers ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).

Ayon kay Majority Leader Joel Villanueva, batay ito sa Section 13 ng Republic Act 11899 o batas na bumubuo sa EDCOM II.

Ang Section 13 ng naturang batas ay batayan ng pagbuo ng Education, Legislation at Policy Advisory Council na makapagbibigay ng expert assistance at advice mula sa isang Komisyon.

Binibigyan mandato rin nito ang Senate President at Speaker of the House of Representatives na pumili ng dalawang eksperto mula sa iba’t ibang sektor: academe, business sector, government education agencies, heads of the local government units, at civil society organizations and development partners engaged sa edukasyon.

Dahil dito ay pinangalanan ni Senador JV Ejercito na siyang umupo sa sesyon sina dating Ateneo de Manila University president Fr. Bienvenido Niebres at dating dean ng College of Social Sciences and Philosophy sa University of the Philippines Ma. Cynthia Rose Bautista bilang advisers nito.

Si Alfredo Ayala at Dr. Chito Salazar ang magrerepresenta sa business sektor habang si dating TESDA director-general Irene Isaac at Private Education Assistance Committee executive director Doris Ferrer ang magsisilbing advisers ng EDCOM II mula sa government education agencies.

Sina Pasig City Mayor Vico Sotto at Taguig City Mayor Lani Cayetano naman ang pinangalanan bilang advisors mula sa hanay ng LGUs.

Itinalaga naman ang Sinerhiya Foundation at E-Net Philippines, na magrerepresenta sa civil society organization at development partners na may kaugnayan sa edukasyon.

Matatandaan na noong Agosto, pinangalanan sina Senador Sherwin Gatchalian at Francis Escudero bilang co-chairpersons ng EDCOM II. RNT/JGC