Vico Sotto ‘di aanib sa ibang partido matapos tumiwalag sa Aksyon Demokratiko

Vico Sotto ‘di aanib sa ibang partido matapos tumiwalag sa Aksyon Demokratiko

November 3, 2022 @ 11:42 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Iginiit ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Huwebes na hindi siya aanib sa ibang political parties matapos kumalas sa Aksyon Demokratiko, at sinabing mahina ang political party system sa Pilipinas.

Tinanggihan ni Sotto ang ilang imbitasyon na sumali sa ibang political parties kasunod ng kanyang pagbitiw mula sa Aksyon Demokratiko noong Hunyo.

“Mayroon pero hindi ako interesado,” ani Sotto nang tanungin kung inimbitahan siya ng ibang political parties na maging parte ng kanilang grupo.

“I’m an advocate of stronger political parties and stronger political party systems in the Philippines… Hindi ako sasali ng political party just for the sake of my political gain. Hindi ako interesado,” giit pa niya.

Nagbitiw ang 33-anyos na alkalde, dating executive vice president ng Aksyon, matapos ang 2022 national elections at sinabing siya at ang Aksyon “no longer a group of individuals with similar political goals and ideals.”

Sinabi ni Sotto na wala siyang mapapala sa pag-anib sa ibang partido.

“Sa local politics, sadly, it’s not that relevant,” sabi niya. “Kung para lang sa political gain, hindi ako sasali ng political party. I have nothing to gain from it.” 

“The only reason that I might join a political party is if I really believe in the party principles, the party ideology and how the party is being run,” dagdag ng alkalde.

Nang tanungin kung mayroong existing parties na nakalinya sa kanyang mga prinsipyo at paniniwala, sinabi ni Sotto, “Wala.”

“Even if you observe or ask around, mahina talaga ang political party system sa Pilipinas. Hindi yan sikreto. Alam yan ng buong mundo,” pahayag niya.

“We need stronger political parties para hindi nagiging personality-based ang pulitika sa Pilipinas.”

“With weak political parties, you have no choice but to be personality- based,” patuloy ni Sotto.

Itinanggi naman niya na balak niyang magtatag ng sariling political party.

“Independent ako. Inform ko kayo kung may development. Sa ngayon wala pa. Siguro kung magkaka-development, nangyari na yun in 4 months,” sabi niya.

“Pero gaya ng sinasabi ko, magfo-focus ako dito sa Pasig.” RNT/SA