Vico Sotto sa ‘edited’ liquidation records: Pag-inom ng ampalaya juice bawasan

Vico Sotto sa ‘edited’ liquidation records: Pag-inom ng ampalaya juice bawasan

December 10, 2021 @ 12:23 PM 10 months ago


Manila, Philippines — Nagsalita si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga  “edited” records na nagpapakita ng unliquidated cash advances na nagkakahalaga ng P33 milyon.

Nag-ugat ito nang ibahagi “Anthony Torre” ang umano’y public record na nagpapakita ng disbursing officer ng Pasig na may unliquidated cash advances na papalo sa P33.7 milyon.

Inabisuhan din ni Torre si Sotto na ilabas ang totoo sa kabila ng mga natanggap nitong award sa kanyang pamumuno.

Dito ay sumagot naman si Sotto at pinabulaanan ang naturang pahayag.

“Inedit ang dokumento, binura ang liquidations, tapos pinost. Sa madaling salita, kasinungalingan.”

 “Ilan taon niyo na akong sinisiraan pero di ko naman pinapatulan, dahil kilala ko naman kung sino at ano kayo… Pero yung ganitong klaseng kilusan, aba’y ibang usapan na to… Mukhang criminal offense ang nagawang pag-edit ng public records at paggamit nito para mang-akusa ng korapsyon,” dagdag pa nito.

Wala rin aniyang problema sa cash advances basta ituturing itong last option at mali-liquidate nang maayos.

“Nung naupo ako (July 2019), may mga empleyado ang City Hall na milyun-milyon ang unliquidated cash advance, yung isa halos 100M. Pero siyempre hindi mo sinilip yun, di ba?”

“Wala naman kasing problema sa cash advance basta’t last option at mai-liquidate ng maayos. Lalo na sa panahon ng pandemya, may mga bagay na pabigla-biglang nangyayari at mahirap iplano. Iilan lang din naman ang puwede maging Special Disbursing Officer para rito,” ani Sotto.

May payo naman si Sotto kay Torre.

“Salamat po sa pagbasa. Sana po ay nakapag bigay linaw ako sa katanungan mo. Ikampanya mo po ang gusto mo, pero panahon na siguro para bawas-bawasan natin ang pag-inom ng ampalaya juice.”

“O baka naman na-hack ka lang din?” RNT/FGDC