Victory party ni Marcos sa Amanpulo pinabulaanan

Victory party ni Marcos sa Amanpulo pinabulaanan

May 17, 2022 @ 9:27 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Walang nangyaring “victory party” para kay presumptive president Ferdinand Marcos Jr. sa ekslusibong Amanpulo sa Palawan.

May mga naglitawan kasing posts sa social media nito lamang weekend hinggil sa sinasabing victory party para kay Marcos sa luxury resort sa Pamalican island.

Kaagad namang inulan ng batikos si Marcos sa online para sa sinasabing victory party, na hayagan namang itinanggi ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos Jr.

“Ako personally unfair kasi pagdating ko kanina dito sa aming tanggapan, ‘yung mga staff namin eh nakagayak ng pangdagat, pang-beach at sinisingil ako na may sorpresa daw pala kami at hindi sila nakapaghanda, but ready na sila kanina,” ayon kay Rodriguez.

“So kahit ako nagulat. Walang gano’n, walang gano’ng victory celebration and you know si president-elect Bongbong is an Ilocano,” dagdag na pahayag nito na ang tinutukoy ay ang reputasyon ng mga Ilocano sa pagiging matipid ng mga ito.

“Eh, not unless may sorpresa siyang gano’n para sa amin pero wala. Malayo ‘yun at ito’y gawa-gawa lang ng mga iresponsableng nagpo-post sa kanilang social media na ayan na naman malisyoso ‘yung pagpopost,” ani Rodriguez.

Dahil dito, hinikayat ni Rodriguez ang publiko na maging responsable sa pagpo-post ng kahit na anuman sa social media.

Hinamon nito ang mga nagsasabing nagkaroon ng victory party sa Amanpulo na magpalabas ng “proof of payment” sa Amanpulo o bookings na ginawa ang kampo ng mga Marcos.

“Ang akin lang laging sinasabi, let’s be responsible for what we post, let’s be responsible for what we do” ayon kay Rodriguez. Kris Jose