Vietnamese na lider ng ‘5-6’ gang, arestado ng BI

Vietnamese na lider ng ‘5-6’ gang, arestado ng BI

May 30, 2022 @ 2:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Vietnamese national na tumatayong lider ng isang lending gang na nag-ooperate sa Batangas at iba pang lugar sa Luzon.

Ang naarestong dayuhan ay kinilalang si Vo Van Tai, 26, na nahuli ng mga operatiba ng intelligence division ng BI sa Purok Rosal, Poblacion West sa Science City ng Munoz, Nueva Ecija, kasunod ng mission order na inilabas ni BI Commissioner Jaime Morente.

Inaresto rin ang dalawa pang kasabwat ng nasabing dayuhan na kinilalang sina Vo Khac Binh, lalaki at Vo Thi Mai, babae, parehong 49 taong gulang.

Ayon sa BI, pinamunuan umano ni Vo Van ang isang sindikato na inakusahan ng ilegal na pagpapahiram ng pera at pisikal na pananakit o pagkidnap sa mga hindi makabayad ng kanilang mga utang.

Napaulat na inilipat na nila ang kanilang iligal na operasyon sa iba’t ibang lugar sa Luzon upang iwasang arestuhin at pagtakpan ang kanilang mga ilegal na gawain.

Nauna nang iniulat ng BI ang pag-aresto sa 8 iba pang miyembro ng gang, na nahuli sa Lemery Batangas noong Abril 28.

Iniulat ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., na sa pagkakaaresto, ipinakita ni Vo Van ang isang pekeng BIR TIN ID na may alyas. Ang isa pang nakaraang reklamo ay nag-ulat din sa kanya para sa pagkakaroon ng maraming mga pekeng dokumento upang itago ang kanyang tunay na pagkakakilanlan.

Nabatid na maging ang dalawang kasabwat nito ay kapwa undocumented at overstaying sa bansa.

Inilipat ang tatlo sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang deportation proceedings.

“These illegal businessmen are not welcome in the country. They do not follow our laws, and at the same time bring fear and disorder to the community,” ani Morente.

“We will ensure that once deported, they will not be able to set foot in the country again,” dagdag pa nito. JAY Reyes