Vietnamese national, arestado sa droga sa Makati City

Vietnamese national, arestado sa droga sa Makati City

January 2, 2023 @ 10:35 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Isang Vietnamese national ang hinuli ng Makati police matapos na ang isang Grab driver ay isuko ang parcel na kanyang natanggap mula sa delivery booking mula sa suspek noong Bagong Taon.

Ang suspek ay kinilalang si Nguyen Luong Hai, 30, isang Vietnamese national at kasalukuyan ngayon nakapiit sa custodial facility ng Makati police. Si Hai ay nahaharap sa kasong illegal possession of drugs.

Ayon sa imbestigasyon, si Hai ay hinuli dakong 8:05 ng umaga matapos na tanggapin ang parcel na naglalaman ng droga sa isinigawang entrapment operation sa Island Tower Condominium located at Salcedo St. corner Benavidez St., Brgy. San Lorenzo, Makati City.

Sa pahayag ng pulisya, ang Grab delivery driver na kinilalang si Oscar Dichoso Coronel Jr., 43, ay nagtungo sa kanilang himpilan matapos na maghinala na ang kanyang tinanggap mula sa dalawang Vietnamese nationals sa Lerato Tower sa may Malugay St., Barangay Bel Air, Makati City ay kahina-hinala.

Ayon kay Coronel nang matanggap niya ang parcel na nakalagay sa isang kulay pulang 7-11 eco bag ay tinanong niya ang sender kung ano ang laman nito subalit hindi siya pinansin.

Kaagad namang nagtungo sa pulisya si Coronel at natagpuan ang isang kahon ng kulay asul ng facemask na naglalaman ng shabu na nagkahalaga ng P6,800, isang pakete ng sigarilyo na may tatak na Thang Long at isang rose gold na Iphone XS Max. James I. Catapusan