Vietnamese patay, Chinese national sugatan sa engkwentro sa NBI

Vietnamese patay, Chinese national sugatan sa engkwentro sa NBI

March 26, 2022 @ 11:15 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Patay ang isang Vietnamese National at sugatan ang kasamang

Chinese National sa enkwentro sa mga ahente ng National Bureau of lnvestigation, hatinggabi nitong Huwebes, sa Aseana Blk 8 Open Parking, sa Aseana Avenue, Entertainment City, Bgy. Tambo, Parañaque City.

Base sa inisyal na ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga elemento ng NBI International Operations Division dakong alas-11:19 ng gabi nitong Huwebes sa nabanggit na lugar laban sa mga dayuhang suspek na sangkot sa gunrunning.

Sa ulat pa ng NCRPO at Southern Police District Office, ang mga suspek na sakay ng  kulay itim na Toyota Innova, na may plate # DAZ 5785 ay nakipagbarilan sa mga  elemento ng NBI, na nagresulta sa pagkaka-“neutralize” ng Vietnamese National na kinilalang si TUAN DAT SY alyas ADA at pagkakasugat sa isang Chinese National na kinilalang si YU, JANDONG, 25-anyos na residente ng unit 15A Bayshore 2, Pasay City.

Sa intelligence report na nakalap ng NBI, hindi lamang sa gunrunning sangkot ang mga suspek kundi pati sa serye ng kidnapping for ransom, at pagpatay sa kapwa Chinese nationals.

Samantala, sa nakuhang eksklusibong impormasyon ng REMATE, napag-alamang nagkaroon pa ng habulan ng mga sasakyan ang mga suspek at NBI agents; pansamantalang nailigaw ng mga suspek ang humahabol na mga awtoridad.

Napilitang bumalik ng NBI headquarters ang mga operatiba, pero nang nandon na, nakatanggap ng impormasyong nasa open parking lot sa Aseana ang Innova sakay ang mga suspek.

Nang balikan ng mga operatiba ang mga suspek, inabutang wala ng buhay ang Vietnamese national na siyang nagmamaneho ng Innova,  samantalang sugatan ang pasaherong Chinese national .

Agad na isinugod sa  San Juan De Dios Hospital ang sugatang Chinese national para sa karampatang  medical attention.

“Surely, deaths resulting from legitimate law enforcement operations were something we always do not want to happen. However, it is inevitable especially when the lives of our lawmen is at stake. Hence, we always plea for cooperation even among those whom we are bound to arrest in order to avoid circumstances like this.” sabi ni National Capital Region District Director PMGen Felipe R.  Natividad. Dave Baluyot