VIGILANTISM, WALA SA KULTURANG FILIPINO

VIGILANTISM, WALA SA KULTURANG FILIPINO

August 2, 2022 @ 7:31 PM 2 weeks ago


KUNG anuman ang mabuting intensiyon na mayroon siya sa paggawa ng isyu kaugnay ng pamamayagpag sa pulitika at serbisyo publiko ng mag-asawang Furigay sa Lamitan City, walang karapatan si Dr. Chao Tiao Yumol na kitilin ang buhay ng sinuman para lamang igiit ang kanyang punto at paninindigan.
Ang kanyang pagiging vigilante ay dumating na sa punto ng pagiging mamamatay-tao at sadyang hindi dapat pinapatawad.
* * *
Limang araw ang nakalipas matapos niyang gawin ang krimen, pinagbabaril at napatay ang ama ni Yumol na si Rolando sa harap ng kanilang bahay sa Lamitan.
Inuulit ko: Walang puwang ang vigilantism sa isang sibilisadong lipunan. At malinaw na hindi dapat pinagbayaran ng ama ang kasalanan ng kanyang anak.
Ang sinumang naga-akalang makatwiran, at sa kasong ito ay nararapat lang, ang kasabihang “mata sa mata, ngipin sa ngipin” ay hindi lamang nasisiraan ng bait kundi mapanganib din.
***
Ayon sa dating gobernador na si Basilan Rep. Mujiv Hataman, posibleng ang netizens na nagpakalat ng komento pabor at laban sa mga “pagbubunyag” ni Yumol sa social media tungkol sa mag-asawang Furigay ang nag-udyok ng karahasan.
Katawa-tawa man ang dating na isisi sa mga nagkokomento at usisero ang mga kahindik-hindik na krimen noong nakaraang linggo, panahon na rin marahil na magkaroon tayo ng sariling pagsusuri sa kung paano natin ginagawa ang ating kalayaang magpahayag sa social media.
Halimbawa, sa nakalipas na mga taon ng giyera kontra iligal na droga, nanindigan ba tayo laban sa karahasan at mga pagpatay o tayo mismo ang nag-udyok para mangyari ang mga ito?
***
Nanawagan ang Philippine National Police sa publiko na huwag kaagad magpalagay o magbigay ng ispekulasyon na ang pamamaslang sa ama ni Dr. Yumol ay may kaugnayan sa pagpatay ng kanyang anak sa tatlong katao.
Pero hindi naman din maaalis ang espekulasyong ito sa mga libro ng Crime Investigation 101. Maliban na lang kung ang imbestigasyon ng PNP ay sinadyang tumuon sa ibang anggulo at determinadong umiwas sa ipinahihiwatig ng espekulasyon. Ganun nga ba?
***
Ipinarating sa media ng nabiyudang ina ni Yumol, si Muykim, na tumanggap ng mga pagbabanta sa buhay ang kanilang pamilya, sinabing isa-isa raw silang papatayin, kaya naman umapela siya kay President Marcos na protektahan sana sila.
Sa palagay ko, magiging test case ito para sa ating Commander-in-Chief. Gaano niya kahusay na makokontrol ang PNP, ang kapayapaan at kaayusan, ang seguridad, at ang sitwasyong pulitikal?
Si Pangulong Marcos, na paulit-ulit na nangampanya para sa pagkakaisa, ang unang dapat magsabi na hindi kulturang Pilipino ang vigilantism.
***
Nitong Sabado ng umaga, ipinag-utos ng korte sa Quezon City na may hawak sa kaso ni Yumol, na mula sa Camp Karingal ay ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology ang kustodiya sa kanya.
Nababahala akong kailangan ko pang imungkahi ang mas mahigpit na seguridad – tipong tutukang maigi ng CCTV – ang selda ni Yumol. Balita ko, malaki raw ang posibilidad ng mga pagpapatiwakal sa loob ng selda, kung hindi man dinadapuan ng matinding COVID-19 ang preso, gaya sa Bilibid.
***
Samantala, nagluluksa pa ang buong bansa sa pagpanaw ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Iginupo siya ng mga kumplikasyon ng COVID-19 nitong Linggo.
Labis sigurong naapektuhan si Juan Ponce Enrile.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.