Villanueva dismayado sa 170K bakanteng posisyon sa PH gov’t ‘gang ngayon

Villanueva dismayado sa 170K bakanteng posisyon sa PH gov’t ‘gang ngayon

September 15, 2022 @ 12:34 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa administrasyong Marcos na wakasan na ang walang puknat na problema ng hindi napupunuang permanenteng posisyon sa mga opisina at ahensya ng gobyerno.

Sa briefing sa Senado ng Development Budget Coordinating Committee para sa 2023 National Expenditure Program, sinabi ni Villanueva binibigyang-pansin niya ang wari’y hindi natatapos na isyung ito taon-taon mula pa noong 2017.

“We’ve said time and again that the government, as the country’s biggest employer, also has the biggest problem filling up these permanent positions. Ang mas nakakalungkot pa po rito ay nangyayari pa rin ang problemang ito kahit maraming Pilipino ang walang trabaho at may mga panukala pa na magbawas ng tauhan sa burukrasya,” sabi ng senador.

“Para na po tayong sirang plaka. Taon-taon na po natin itong sinasabi pero maliit pa lang po ang nakikitang nating pag-usad upang lutasin ang problemang ito. We have to do better for the sake of our workers and our bureaucracy,” he said.

Iginiit ng senador na sampung porsyento o 170,668 na authorized government positions ang hindi pa napupunuan ng pamahalaan, base sa impormasyon mula sa Financial Year 2023 Staffing Summary ng Department of Budget and Management.

Sinabi rin ni Villanueva na kailangang linawin ng pamahalaan ang dami ng mga posisyon na ito datapwa’t may 642,077 na government workers na nagtatrabaho sa ilalim ng Job Order o Contract of Service, ayon sa datos ng Civil Service Commission noong Hunyo 30.

“Ang hirap po na ang gobyerno mismo natin ang number one na violator ng garantiya ng Konstitusyon para sa security of tenure, samantalang hindi nito napupuno ang mga vacancy ng mga permanenteng posisyon sa mga opisina nito,” sabi ni Villanueva.

Si Villanueva ang may-akda ng Senate Bill No. 131 na “Civil Service Security of Tenure Act” na nagkakaloob ng security of tenure para sa mga kaswal at kontraktwal na empleyado ng gobyerno na bukod-tangi at huwaran sa kanilang paninilbihan.

Siya rin ang may-akda ng Senate Bill No. 568 na “Skills Certificate Equivalency Program Act” na nagbibigay ng civil service eligibility sa mga certified technical-vocational graduates na may National Certificates mula sa Technical Education and Skills Development Authority.

“Paulit-ulit na po tayong humihingi ng paliwanag kung bakit nabibigo itong punuan ang mga permanenteng posisyon habang libo-libo naman sa mga empleyado nito ay walang regular na kontrata. Hindi po ito katanggap-tanggap lalo na’t inamin pa ng pamahalaan na dadami pa ang Pilipinong walang trabaho dahil sa patuloy na paglaki ng ating labor force,” sabi ni Villanueva. Ernie Reyes