Villanueva, natuwa sa pagbaba ng unemployment rate pero nabahala sa underemployment

Villanueva, natuwa sa pagbaba ng unemployment rate pero nabahala sa underemployment

September 10, 2022 @ 8:38 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Lubhang ikinagalak ni Majority Leader Joel Villanueva ang pagtaas ng employment rate na bumaba sa 5.2% mulasa 6 % nitong Hunyo ngunit nabahala naman sa aktuwal na bilang ng Filipino na underemployed.

Sa pahayag, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot sa 6.54 milyong Filipino ang undermployed noong Hulyo 2022 na mas mataas kaysa 5.89 milyong noong Hunyo.

“Magandang balita po ang pagbaba ng unemployment rate noong Hulyo 2022 na bumaba sa 5.2% mula 6% noong Hunyo, subalit ang nakakabahala po ay ang aktwal na bilang ng mga Pilipinong underemployed,” giit ni Villanueva.

Iminungkahi ni Villanueva na maglunsad ang pamahalaan ng agresibong intervention upang tugunan ang sitwasyong.

“Kailangan po natin ng mga trabahong sigurado at may disenteng kita sa harap ng tumataas na presyo ng bilihin mula sa pagpalo ng inflation rate na 6.3% noong Agosto,” aniya.

“Patuloy po nating isusulong ang Senate Bill No. 129 na Trabaho Para sa Lahat ng Pilipino Act para sa pagtatalaga ng National Employment Recovery Strategy at pagpapatibay ng programang paglikha ng trabaho sa pamamagitan ng mga ugnayang mula sa local government units,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Villanueva na nalalapit na ang pagbusisi sa 2023 national budget kaya titiyakin nitong mapopondohan ang mga programang lilikha ng trabaho.

“Sisiguraduhin din po natin na mayroong pondo para sa edukasyon at training ng ating mga manggagawa upang magkaroon sila ng sustainable na kabuhayan,” aniya.

“Ang kombinasyon po ng sapat na budget at tamang polisiya sa paglikha ng trabaho ang landas tungo sa pagbangon ng ekonomiya at kabuhayan ng ating mga kababayan,” patapos ni Villanueva. Ernie Reyes