Villanueva, saludo sa SONA ni Duterte; Bam dismayado

Villanueva, saludo sa SONA ni Duterte; Bam dismayado

July 24, 2018 @ 1:01 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Pinapurihan kahapon ni Senador Joel Villanueva ang nilalaman ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte partikular sa panukala at polisiya sa manggagawa, sa loob at labas ng bansa.

Ngunit, nagpahayag naman ng pagkadismaya si Senador Bam Aquino dahil walang nabanggit si Pangulong Duterte upang maibaba ang tumataas ng presyo ng pangunahing bilihin.

Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi ni  Villanueva na may ilang isyu sa usapin ng paggawa na maaaring malutas sa pamamagitan ng reporma sa pagbubuwis sa kabila ng pagsusulong ng Department of Labor and Employment na maging regular ang ilang manggagawa.

“Nalulugod kami sa pagdiin niya na tinitiyak na wawakasan ng pamahalaan ang pang-aabuso sa overseas Filipino workers. Maging kahalagahan ng pakikipagtulungan sa host nations upang maipatuypad ang mga patakaran na magbibigay proteksiyon sa ating OFWs,” ayon kay Villanueva.

Ikinalulugod din natin ang pagpapahalaga ni Pangulong Duterte sa pagsasabatas ng End Endo Bill kaya’t tiwala akong makatutulong ang panukala upang wakasan ang pang-aabuso sa sector ng paggawa at maitaguyod ang karapatan ng manggagawa sa security of tenure.

“Hinggil naman sa TRAIN 2, pabor din kami na bawasan ang fiscal leakages mula sa hindi makabuluhang insentibo at pagbabawas ng corporate tax rates uapng maging competitive ang ating bansa. At the minimum, kailangan natin ng isang malinaw na framework sa pagtutukoy ng mga industriyang bibigyan ng insentibo na nakakatutulong upang lumikha ng hanapbuhay at may kontribusyon sa paglago ng pambansang ekonomiya,” paliwanag niya.

“Welcome din sa amin ang iba pang tax packages partikular ang buwis sa pagmimini at tabako. Siyempre ang pagsasabatas ng  Enhanced Universal Health Care Act. A comprehensive health system will greatly improve the welfare of the public.,” ayon kay Villanueva.

“Sa kabuuan, makikipagtulungan kami sa pamahalaan upang matiyak na may trabaho  ,  at dagdag na patakaran na lilikhain at ipatutupad na magpapa-angat sa buhay ng bawat Filipino,” dagdag ng senador mulang Bulacan.

Samamtala, dismayado naman si Sen. Bam sa SONA ni Pangulong Duterte kahit nabanggit ang nararapat na aksiyunan at suportahan ng Senado gaya ng Anti-Endo bill, National Land Use Act, at pagtugon sa presyo ng bigas.

“Sa palagay ko, ang hinihintay ng marami sa mga kababayan natin ang mga solusyon upang maibsan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin,” aniya.

Sinabi ni Sen. Bam na ito ang pangunahing isyu ng taumbayan ngunit walang nabanggit ukol dito.

“Sayang at naghahanap ng ginhawa ang mga kababayan nating nalulunod sa taas-presyo,” himutok ng senador. (Ernie Reyes)