Villar, nag-init sa DA sa pagbili ng imported fertilizer kaysa organic

Villar, nag-init sa DA sa pagbili ng imported fertilizer kaysa organic

October 18, 2022 @ 7:27 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Muling kinuwestiyon ni Senador Cynthia Villar ang Department of Agriculture kung ano ang basehan sa pagbili ng imported chemical fertilizer kaysa sa organic fertilizer.

“Palaging biased sa chemical fertilizer na imported… Wala kayong masasabi sa akin na yung composting is not a good practice. Sabi nga ng PhilRice, may additives lang… Bakit pa bibili ng chemical fertilizer?” giit ni Villar.

Sinabi naman ni Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla na kanilang hinimok ang magsasaka na bumaling sa composting.

“[But] yung performance ng inorganic fertilizer, hindi masu-supplant ng organic,” aniya.

Pero iginiit ni Villar ang natural farming na ginawa sa ibang bansa.

“I don’t think so. Sa France, natural farming… Wag niyo sasabihin na productivity. Sabi ng PhilRice, kayang kaya nila…. Hindi ko naman kayo pinagbabawalang mag-import, sana may transition. Local vs. import,” ayon kay Villar sa DA officials.

“I’m not a farmer. This is just common sense, I‘m watching them. I want to increase the income of farmers and fisher folks. I want them to be middle class or at least lower middle class… I hope you will review policy on imported chemical fertilizer and imported hybrid seedlings,” dagdag niya.

Kasabay nito, iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na magtalaga ng bagong kalihim ng agrikultura upang epektibong matugunan ng pamahalaan ang problema ng bansa sa pagkain.

“Naghanap nga ako kanina sa hearing ng agri, sabi ko, ‘secretary.’ Wala pala akong matanong na secretary, that’s the problem,” ani Pimentel.

Sa kasalukuyang, tumatayong kalihim ng agrikultura si Pangulong Bongbong Marcos Jr.,

Para naman kay Pimentel, hindi sapat ang fertilizer assistance na ibinibigay sa magsasaka sa isang sektor na dapat kailanga upang sumigla ang produksiyon.

Ilan sa suportang natatangap ng magsasaka mula sa DA, ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Financial Assistance Arnel de Mesa, ay fertilizer assistance, na nagkakahalagang P6,600 kada ektarya ng bukirin at maaaring kumuha hanggang 2 ektarya.

Aniya, nasasakupan ng programa ang mahigit 1.8 milyong magsasaka.

“Kulang talaga. Kasi number 1, tumaas naman talaga ang presyo kasi ng fertilizer. And then, yung dependence natin sa fertilizer nakakalungkot din. Meron din itong kuneksyon sa kalidad ng ating lupa na ginagamit natin sa ating agricultural crops like rice,” ayon kay Pimentel. Ernie Reyes