Villar, nagulantang sa dambuhalang badyet ng DA sa programs: ‘Parang naghimala’

Villar, nagulantang sa dambuhalang badyet ng DA sa programs: ‘Parang naghimala’

October 18, 2022 @ 5:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hindi makapaniwala si Senador Cynthia Villar sa dambuhala o 80 porsiyento ng panukalang badyet ng Department of Agriculture (DA) bilang pantustos sa programa ng ahensiya.

Sa ginanap na deliberasyon ng Senado sa badyet ng DA, natuklasan ni Villar na aabotsa 80.36 porsiyento o P131.5 bilyon ang mapupunta sa programa at proyekto ng ahensiya.

“Parang mali’ yan. Inilipat mo sa programs’ yung other classifications,” ayon kay Villar habang inilalatag ng opisyal ng DA ang panukalang P1634.7 bilyong badyet ng departamento sa ginanap na pagdinig ng Senate subcommittee on finance nitong Martes.

Sa paghahambing, mapupunta ang matitira sa personnel services (7.48 porsiyento o P12.2 bilyon), overhead na 9.22 porsiyento o P15.09 bilyon; regulatory, 1.72 porsiyento o P2.8 bilyon at research, 1.22 porsiyento o P1.99 bilyon.

“Wala pa akong nakitang department na ganyan. ‘Yang breakdown mo parang mali ‘yan. I-explain mo sakin ‘yan in private kasi wala pa akong nakitang department na ganyan ang hitsura. Eighty percent ang programs? I don’t think so,” ayon kay Villar.

“Baka minis-classify ninyo ‘yan. I want to see the breakdown, there’s something wrong here,” dagdag niya.

Binanggit ni Villar na noong nakaraan, umabot sa 61 porsiyento ang overhead ng ahensiya ng badyet pero ibinaba ito sa 50%.

“Tapos ngayon sasabihin mo overheard mo is 20 percent kasama na ang research and regulatory? That’s impossible. There’s something wrong,” giit niya.

“Hindi pwede na noon eh 60 percent biglang nawala ang mga empleyado ninyo, hindi pwede ‘yun. That was in 2016. Hindi naman pwedeng nawala ang mga empleyado ninyo. Bakit biglang ang liit-liit ng PS (personnel services) and overhead ninyo,” dagdag pa ng senador.

Dahil dito, hiniling ni DA Undersecretary Rodolfo Vicera na kung puwede silang magpresenta ng panibago sa Miyerkoles upang tugunan ang katanungan ng mambabatas.

Ngunit, sinabi ni Villar na gusto lamang niyang makita ang general idea kung paano ginagastos ng ahensiya ang badyet nito sa susunod na taon.

Aniya, masyadong kakaiba ang presentasyon ngayon ng DA sa badyet kumpara sa mga nakaraang administrasyon.

“Masyadong mataas ang programs na ito. Walang department na nakaka-80 percent sa program. ‘Yun ngang 45 percent hirap na hirap na sila eh, 55 (percent) for PS and overhead, and ‘yung 45 percent hirap na hirap na sila,” aniya.

“Paanong nangyari na mayroon kayong badyet sa programa ng aabot sa 80 porsiyento,” anang mambabatas.

“Parang naghimala. Hindi posible ito kasi your PS and overhead is parang consistent ‘yan kasi hindi ninyo naman pwedeng tanggalin ‘yung mga empleyado ninyo bigla di ba? It can vary siguro within 10 percent pero hindi ganito kataas… This is not possible by just seeing it,” dagdag ni Villar. Ernie Reyes