Viral na jumper boys ng Road 10 arestado

Viral na jumper boys ng Road 10 arestado

November 4, 2022 @ 5:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Naaresto ng mga tauhan ng Manila City Hall Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang dalawang lalaki na kabilang umano sa tinaguriang “Jumper Boys” at holdaper na ang isa ay kabilang sa nag-viral sa social media sa aktong ninanakawan ang isang trailer truck sa Road-10 o sa Mel Lopez Boulevard sa Tondo, Maynila kamakailan.

Kinilala ni SMaRT Chief P/Maj. Edward Samonte ang suspek na sina Jefferson Tumbaga, 19, at Jimboy Cocolio, 30; kapwa binata, miyembro ng Sputnik Gang at walang trabaho ng Barangay 101, Zone 1, Tondo na kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng SMaRT office.

Batay sa ulat ng SMaRT, nag-ugat ang pagkaka-aresto sa mga suspek makaraang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad matapos mapanood sa social media ang suspek na si Tumbaga sa aktong binibiktima ang isang truck driver sa nasabing lugar noong Oktubre 27.

Nito lamang Huwebes ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa kinaroroonan ng suspek na si Tumbaga kaya’t agad na nagsagawa ng surveillance operation ang pulisya sa pangunguna ni Maj. Samonte at Deputy P/Maj. Emmark Dave Apostol katuwang ang MPD-Station 1 sa pamumuno ni P/Lt.Col. Rosalino Ibay Jr. kung saan agad na naispatan ang suspek sa kanto ng Mel Lopez Blvd. at Jacinto St. na tila nag-aabang ng kanyang bibiktimahin.

Agad na dinakma ng operatiba ang suspek kung saan nahulihan pa ito na kargado ng isang kalibre .38 na baril at ilang mga bala. Hinanapan ng kaukulang dokumento at papeles ang suspek dahil sa pagbitbit nito ng baril ngunit wala itong naipakita na nagresulta sa kanyang pagkaka-aresto.

Inginuso naman ni Tumbaga ang mga kasamahan nito gayundin si alyas Jimboy na malapit lamang sa nasabing lugar kaya’t naaresto din ito kung saan narekober sa kanyang pag-iingat ang isang improvised shotgun o sumpak.

Sa presinto, aminado naman si Tumbaga na siya nga ang nasa video na nag-viral kamakailan sa social media.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o mas kilala na Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act ang dalawang naarestong suspek.

Nakipag-ugnayan na rin ang kapulisan sa truck driver sa nasabing viral video gayundin ay nanawagan sila sa mga posibleng nabiktima ng mga ito upang masampahan ng karagdagang kaso ang mga suspek. JAY Reyes