Vis-Min, Palawan uulanin sa LPA

Vis-Min, Palawan uulanin sa LPA

January 4, 2023 @ 6:38 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Magpapaulan sa Visayas, Mindanao, at Palawan ang binabantayang namumuong bagyo, ayon sa PAGASA.

Base sa 3am monitoring ng weather bureau, huling namantaan ang low pressure area sa layong  195 kilometro sa timog ng Puerto Princesa City.

Samantala, makaapekto naman ang northeast monsoon o amihan at makapagpapaulan sa ilang bahagi ng Luzon, dagdag pa ng PAGASA.

Ang Visayas, Mindanao, at Palawan ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng LPA na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Cagayan Valley, CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA, at Aurora ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan dahil sa hilagang-silangan na monsoon na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mahinang mga pag-ulan dahil din sa northeast monsoon ngunit walang makabuluhang epekto.

Sumikat ang araw bandang 6:22 a.m., habang lulubog ito ng 5:40 p.m. RNT