‘Visa amnesty’ sa mga migrant worker sa UAE, sinimulan na!

‘Visa amnesty’ sa mga migrant worker sa UAE, sinimulan na!

August 2, 2018 @ 8:19 AM 5 years ago


 

UAE – Sinimulan na ng United Arab Emirates kahapon (August 1) ang pagbibigay ng amnestiya sa mga manggagawa na pumasok sa bansa ng walang visa pati sa mga nag-overstay sa kanilang work permit.

Ayon sa gobyerno ng UAE, ang mga pumasok ng kanilang bansa ng iligal o kaya’y nag-overstay at naging forward noong October 31 ay hindi na pagmumultahin o kakasuhan kung susuko ang mga ito at boluntaryong aalis ng bansa.

Binibigyang pagkakataon din ng amnestiya ang six-month visa sa mga naghahanap ng trabaho.

Gayunpaman, hindi kasama sa amnestiya ang mga “blacklisted” o ‘yung mayroong mga kaso na nakabinbin.

Gaya sa ibang mayayamang bansa sa Gulf state, ang UAE ay binabatikos ng mga human rights group dahil sa pagtrato nito sa mga manggagawa mula sa ibang bansa. Sa ngayon, patuloy na gumagawa ng hakbang ang bansa upang maisaayos ang umanong mga pang-aabuso.

Sa kabilang dako, naglabas naman ang UAE press ng testimonya mula sa mga manggagawa na kumuha ng amnestiya kahapon.

“Girraj Prasad, 54, from the state of Rajasthan, is the first Indian who cleared all the procedures to get exemptions from fines to leave the country without a ban,” ayon sa ulat.

Sinabi ni Pasad, nagtatrabaho bilang tile cutter, na ang kaniyang visa ay nag-expire dahil nabigo ang kaniyang employer na mag-file ng mga papeles at makapag-renew ng kaniyang pamamalagi sa bansa. Remate News Team