Visayas, Caraga, 5 probinsya uulanin sa LPA

Visayas, Caraga, 5 probinsya uulanin sa LPA

May 31, 2022 @ 6:48 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Namataan ang namumuong bagyo o low pressure area alas-3 ng madaling araw nitong Martes, na tinatayang nasa 60 kilometro hilaga hilagang-silangan ng Surigao City, Surigao del Norte o 95 kilometro silangan ng Maasin City, Southern Leyte, iniulat ng PAGASA.

Bunsod nito, ang Visayas, Caraga, Bicol Region, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Southern Quezon ay makararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng LPA na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng mga localized thunderstorm na may posibleng flash flood o landslide sa panahon ng matinding pagkulog.

Sumikat ang araw bandang 5:26 ng umaga, habang lulubog ito mamayang 6:22 ng gabi. RNT