Vitual PSC Women Martial Arts Festival, inilunsad

Vitual PSC Women Martial Arts Festival, inilunsad

July 8, 2021 @ 7:59 AM 1 year ago


MANILA, Philippines Sa kabila nang limitasyong dala ng COVID-19 pandemic, inilunsad ng Philippine Sports Commission ang kanilang 7th Women’s Martial Arts Festival na sisipa mula July 8 hanggang 31 sa pamamagitan ng virtual events na inaasahang lalahukan ng aabot sa 1700 participants sa bansa.

Tampok sa festival, na-delay ng isang taon dahil sa pandemic, ang pitong ibat-ibang martial events na judo, karatedo, muay, arnis, pencak silat, taekwondo at wrestling kung saan ang mga kalahok ay isa-isang magpapakita ng kanilang husay sa martial arts.

Sinabi ni PSC Commissioner Celia Kiram na ang pagpapatuloy ng Martial Art’s Festival virtually ay makatutulong para tumaas ang kaalaman sa sports, wellness, fitness at lahat ng aspeto sa buhay na magpapalakas sa kababaihan upang maging physically active, ligtas at produktibo.

Idinagdag pa nito na ang event ay makatutulong para maibsan ang pangamba, stress, depression at iba pang psychological issues na nabuo dahil sa pandemic.

Ang mga kalahok sa event ay hinihimok na mag-perform sa open spaces o  well-ventilated rooms at dapat sumunod sa health and safety standards na ipinatutupad ng DOH at IATF Health Standards.

Sinabi pa ni Kiram na hindi dapat maging hadlang ang pandemic para ipagdiwang ang lakas ng kababaihan sa martial arts field.

Suportado ang event ng Republic Act No. 9710, mas kilala sa tawag na “Magna Carta of Women” na kumikilala sa patas na karapatan ng kababaihan sa paglahok sa sports, patuloy na pinangungunahan ng PSC ang pagho-host sa martial arts festival. Rico Navarro