Vlogger accreditation sa Palasyo, pag-aaralan pa ng OPS

Vlogger accreditation sa Palasyo, pag-aaralan pa ng OPS

October 10, 2022 @ 6:27 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patuloy na pinag-aaralan ng Office of the Press Secretary (OPS) ang akreditasyon ng mga vloggers na nagnanais na mag-cover sa Malakanyang.

Sa isinagawang Senate budget hearing para sa panukalang P1.04 bilyong budget ng OPS para sa fiscal year 2023, tinanong ni Senador JV Ejercito si Garafil kung itutuloy pa rin ang planong i-accredit ang mga vloggers.

“Talagang isa sa mga integral part ng program ng past PCOO, would we still accredit, mayroon pa ba tayong i-a-accredit na mga bloggers, vloggers? During the time of PCOO Secretary Martin Andanar and also this was brought by erstwhile Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, would you still continue, Atty. Cheloy?” ang tanong ni Ejercito.

Ang naging tugon naman ni OPS officer-in-charge Atty. Cheloy Garafil ay nagpapatuloy ang pag-aaral sa bagay na ito.

“Tama po kayo, nag-umpisa po ito last administration, pinagpatuloy po siya ng dating Secretary Trixie Angeles, ngayon po we will continue to conduct a study and evaluate kung pupuwede po sila maaccredit po sa pagcocover po sa Malacañang. Ongoing pa po study nito,” ayon kay Garafil.

Muling tinanong ni Ejercito si Garafil kung mabibigyan ba ang vloggers ang kahalintulad na access gaya ng sa traditional media, sabay sabing ang “accountability” ay mahalaga sa panahon ng coverage.

“Mr. Chair, kasama po ‘yan sa ating ine-evaluate .So, in time we will issue guidelines on how these can be done,” ang wika ni Garafil.

Aniya pa, hihingi sila ng guidance o patnubay mula sa ibang sektor ukol sa bagay na ito.

Matatandaang sinabi ni dating Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na balak gamiting batayan o panukat ng papasok na pinuno ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang mataas na pakikipag-ugnayan at ang bilang ng mga tagasunod upang payagan ang isang vlogger na ma-cover ang Palasyo ng Malacañang.

Ani Cruz-Angeles, sinusuri nilang mabuti ang vlogger accreditation policy ng Malacañang, na inilagay sa ilalim ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinitingnan din ang “engagements” o reaksiyon ng mga tao sa sinusulat o ipinapakita ng isang vlogger.

Magkaiba rin aniya ang ‘following’ at ang engagements.

Pinag-aaralan din kung isasama sa mga regular na miyembro ng Malacañang Press Corps o kaya ay magkaroon ng ibang events para sa mga vloggers. Kris Jose