VLOGGER NA MISIS SINUNOG NANG BUHAY, MISTER BINITAY

VLOGGER NA MISIS SINUNOG NANG BUHAY, MISTER BINITAY

July 25, 2022 @ 3:27 PM 3 weeks ago


NAPAKASAKLAP ang sinapit ng isang misis na sikat na vlogger at ang kanyang dating mister sa isang lugar sa China.

Kabibitay lang ng mga awtoridad ang mister na si Tang Lu makaraan ang dalawang taong paglilitis kaugnay ng pagsunog nito nang buhay sa kanyang misis na si Lamu habang nagba-vlog ito.

Hindi kaya nangyayari rin ito sa Pinas marahil sa iba o katulad na anyo ngunit hindi lang natin namamalayan?

ANG PANGYAYARI

Taong 2020 noong idiborsyo ni Lamu si Tang sa bintang na malupit ang huli sa una sa pagsasama nila na nagbunga ng dalawang anak.

Makaraan ang tatlong buwan, habang nagba-vlog si Lamu sa tahanan ng kanyang magulan at pinanonood ng libo-libo niyang tagahanga sa social media na Douyin at katapat ng TikTok, pinasok siya ni Tang, binuhusan ng gasolina saka sinindihan nagpaliyab sa buo niyang katawan.

Makaraan ang dalawang linggo sa ospital, tuluyan nang namaalam si Lamu.

Daan-daang libong tagasunod ni Lamu sa Douyin at milyones naman sa social media na Weibo ang kumondena kay Tang at sa pangyayari kasabay ng panghihingi ng katarungan laban sa kanya.

Lumalabas na mga taga-Tibet ang mag-asawa at naninirahan sa Sichuan province na laganap umano ang pananakit sa mga kababaihan.

Maaari umanong bahagi ang kaso ng resulta ng sarbey na sa China, ¼ o kapat ang nakararanas ng pagmamaltrato o pananakit sa mga kababaihan.

PANANAKIT SA LOOB NG PAMILYA

Dahil sa pananakit at pagmamaltrato sa mga kababaihan, ginawa na ng pamahalaan China na mga krimen ito at may karampatang mga parusa noon pang 2016.

Damay na rin dito ang pagpaparusa maging sa mga kababaihan na malulupit din sa kanilang mga asawa o partner at ang pagmamalupit sa mga anak at iba pang mga miyembro ng pamilya.

Gayunman, malawak pa rin umano ang pagmamalupit, pananakit o pagmamaltrato sa loob ng tahanan o domestic violence at napaloob na ang kaso ng nasabing mag-asawa sa nasasakupan ng batas kahit nagdiborsyo na sila.

PAANO KAYA NANGYARI?

Walang malinaw na dahilan sa pangyayari maliban sa mga balita sa komunidad na matagal nang malupit si Tang kay Lamu.

Sa kabilang banda, hindi kaya posibleng nalulong naman si Lamu sa pagba-vlog at napabayaan na ang pag-aasikaso sa kanyang mister at kanilang mga anak?

Parang katulad ng nagaganap sa ating mga kabataan na nalululong o naaadik sa paggamit ng mga gadget at social media at napababayaan na nila ang kanilang mga pag-aaral, maging ang inaasahan ng kanilang mga magulang na paggampan ng mga tungkuling pambahay.

‘Yun bang == hindi na alam ng mga bata ang kumilala sa kanilang mga magulang, maghugas ng mga gamit sa pinagkainan, maglaba, maglinis ng bahay, mamalengke at iba pa na magsisilbi na rin nilang training sa mga darating na araw.

O talagang wala na ring ginawa ang lalaki kundi igiit ang sarili nitong kagustuhan nang wala sa oras at kahit saan at kahit sa anomang paraan na labag na sa dangal at karapatan ng kanyang asawa.

Para sa ULTIMATUM, magsilbi sanang mahalagang aral sa lahat ang napakalungkot at napakapait na pangyayari kina Lamu at Tang.