VM Lacuna ‘di natinag sa mga patutsyada; kandidatura maipapanalo

VM Lacuna ‘di natinag sa mga patutsyada; kandidatura maipapanalo

January 31, 2022 @ 10:20 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Kumpiyansa si Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na maipapanalo niya ang kanyang kandidatura bilang alkalde ng lungsod dahil sa magandang mga proyekto na kanilang nagawa kasama ang butihing Manila Mayor Isko Moreno Domagoso .

Sa Balitaan sa Maynila, sinabi ni Lacuna na hindi na ito nagtataka sa mga patutsada laban sa kanya na ang kanyang apelyido ay pang Vice Mayor lamang dahil ang kanyang ama na si dating Manila vice mayor Danny Lacuna ay ilang ulit ding sumubok na tumakbo bilang alkalde pero hindi pinalad.

“Pero siguro sa pagkakataong ito magkakaroon na siguro ng isang Lacuna na kung papalarin ay magiging Mayor ng lungsod ng Maynila” pahayag ng Manila mayoraly candidate.

Aminado naman si Lacuna na mabigat na laban ngayon ang pagiging alkalde ng lungsod ngunit naniniwala ito na siya ay mas nakakaangat sa kadahilanang kabahagi o parte siya ng lahat ng proyekto at programa na nagaganap sa lungsod.

Aniya, hindi naman kaila na malaki ang pinagbago ng Maynila at yun ay dahil sa napakagandang partnership sa pagitan ng executive at legislative kung saan siya ay napapabilang sa legislative branch kasama ang 38 konsehal sa Kalakhang Maynila.

Ang magandang development aniya sa Maynila na mga inprastraktura, mga pabahay, pagtataas sa antas ng health care system, social amelioration program at maraming iba pa ay matagal nang pinagplanuhan at inilatag na ang kanilang 10 year program para sa City of Manila bago pa man sila kapwa palaring manalo ni Mayor Isko.

“So pag-upo na pag-upo niya implimentasyon na po yan agad,” wika pa ni Lacuna.

Nagpapasalamat naman ito dahil lagi siyang kasama sa lahat programa at proyekto para sa lungsod ng Maynila. Jocelyn Tabangcura-Domenden