Vote buying incidents marami, pero nagrereklamo kaonti – Guevarra

Vote buying incidents marami, pero nagrereklamo kaonti – Guevarra

April 1, 2022 @ 6:45 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Justice na sa kabila ng mga ulat na insidente ng vote buying, kakaonti lang ang kaso na isinampa ukol dito.

“Yong sa vote-buying ano, wala pang masyado kasi usually mga naririnig lang naman natin ‘yan eh na may vote-buying doon, may vote-buying dito… and so forth and so on. Pero iyong aktuwal na magpa-file ay parang limited na limited pa lang,” ani Justice Secretary Menardo Guevarra, Huwebes.

Nauna nang sinabi ni Guevarra na ipaprayoridad ng DOJ ang mga reklamo ukol sa vote buying sa kasagsagan ng halalan, sa pamamagitan ng inter-agency task force na hahawak dito.

Miyerkoles lang nang italaga si Commissioner Aimee Ferolino ng Commission on Elections sa nasabing task force kontra vote buying.

Sinabi naman ni Guevarra na sa pamamagitan ng task force tiwala siya na magkakaroon ng lakas ng loob ang publiko na mag-ulat ng insidente ng pagbili ng boto.

Iginiit pa niya na parehong maparurusahan sa paglabag sa Omnibus Election Code ang bibili maging ang magbebenta ng boto. RNT