Voter registration apektado ng holiday season

Voter registration apektado ng holiday season

December 23, 2022 @ 10:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Wala pang 151,000 botante ang nagparehistro sa mga tanggapan ng Comelec sa buong bansa mula noong Disyembre 12 kung saan muling binuksan ang voter registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataang Elections.

Ayon kay Commission on Elections spokesman John Rex Laudiangco, maaring dahil sa holiday season ang isa sa dahilan kaya ang karamihan ay abala at hindi pa pumipila para magparehistro.

Samantala, 611 aplikante pa lamang ang nagpatala para naman sa “Register Anywhere” project sa walong malls gaya ng Robinsons Galleria, SM Southmall, Robinsons Manila, SM City Fairview, SM Mall of Asia, Robinsons Tacloban, SM City Legazpi, at Robinsons Naga.

“Matumal po talaga ang unang araw ng voter registration…Ang primary attention po nila ay nasa pagtitipon at pahinga,” sabi ni Laudiangco.

Hinimok niya ang mga botante na samantalahin ang bakasyon at magparehistro sa halip na makipagsiksikan sa mga magapparehistro sa Enero.

Inaasahan ng Comelec na 1 milyon hanggang 1.5 milyong bagong botante ang mgpaparehistro hanggang Enero 31, 2023.

Ang pagpaparehistro ng botante ay isasagawa araw-araw mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, maliban sa Linggo, sa Office of the Election Officer ng lungsod, munisipalidad o distrito kung saan nakatira ang aplikante.

Walang rehistrasyon ng botante sa Disyembre 24, 26 at 31.

Sinabi ni Laudiangco na hindi tatangap ang Comelec ng registrants sa Disyembre 26 matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karagdagang special non-working day sa buong bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden