Voter’s education planong isama ng Comelec sa K-12 program

Voter’s education planong isama ng Comelec sa K-12 program

March 9, 2023 @ 4:34 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Upang matutunan ang tamang paraan ng pagboto sa mga halalan, planong isama ng Commission on Elections (Comelec) sa kurikulum ng K-12 program ng Department of Education (DepEd) ang ‘voter education’.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia sa ikalawang araw ng Election Summit na maaaring maumpisahan ang pagtuturo nito kahit sa mga mag-aaral sa Kinder level.

Aniya dapat maituro na ang kasamaan ng pagbebenta ng boto ay pagpili ng tamang kandidato.

Suportado naman ito ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na sinabing bukas siya sa pagsama nito sa sistema ng edukasyon sa bansa.

“I welcome the integration of voters education in our K-12 program. To help prepare and equip our Filipino youth with the ability to discern and engage responsibly in the democratic process by instituting civic education,” ayon kay VP Sara.

Samantala, hiniling rin ng kalihim ng edukasyon sa Comelec kung maaaring i-advance na nito ang pagbabayad ng ‘honorarium’ sa mga guro na magsisilbi sa darating na mga halalan.

Ayon kay Duterte, pangunahing reklamo ng mga guro ang pagkakaantala ng pagbabayad nito sa kanila at pahirapang pagsingil.

Sa panig ng Comelec, sinabi ni Garcia na ginagawa na nila ito noon nang magbigay sila ng 50% advance sa mga guro, ngunit naging problema nila nang marami sa mga nabayaran ng advance ay hindi na nagpakita sa eleksyon.

Noong nakaraang halalan ng Mayo 2022, iniulat ni Garcia na agad namang nabayaran ang mga guro may 15 araw matapos ang eleksyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden