Voters registration dinumog ng 15K Pinoy sa 6 araw

Voters registration dinumog ng 15K Pinoy sa 6 araw

December 22, 2022 @ 7:28 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na mahigit 150,000 Pilipino ang nag-aplay upang maging mga rehistradong botante sa loob ng anim na araw mula nang ipagpatuloy ang mga aktibidad sa pagpaparehistro ng mga botante noong Disyembre 12.

Sa datos na inilabas ng poll body, nasa kabuuang 15,817 indibidwal ang naghain ng kanilang aplikasyon para maging karapat-dapat na botante para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa nasabing bilang , nasa 19,336 ang botante na edad 15 hanggang 17 taong gulang; 35,011 botante ang 18 hanggang 30 taong gulang ; at 11,098 botante ang 31 taong gulang pataas.

Ang mga botante na may edad 15 hanggang 17 taong gulang ay pinapayagang bumoto para sa SK election, 18 hanggang 30 taong gulang na botante para sa parehong botohan, at 31 taong gulang pataas para sa Barangay election.

Bukod sa voter registration, tumatanggap din ng iba pang prosesong may kinalaman sa halalan tulad ng paglilipat ng rehistrasyon at muling pagsasaaktibo ng rehistrasyon, bukod sa iba pa.

Sa mga aplikante para sa SK, kabuuang 375 katao ang nag-apply para sa paglipat mula sa ibang lungsod/munisipyo; habang 307 ang nag-apply para sa paglipat sa loob ng parehong lungsod/munisipyo.

Para naman sa mga barangay voter applicants, mayroon ding 43,913 na nag-apply para sa paglipat mula sa ibang lungsod/munisipyo; habang 10,202 ang nag-apply para sa paglipat sa loob ng parehong lungsod/munisipyo.

Humigit-kumulang 2,113 tao ang nag-apply para sa paglilipat na may reactivation ng voter status; 708 ang nag-apply para sa transfer na may reactivation at correction ng entries ; at 2,335 ang nag-aplay naman para sa transfer na may correction ng entries.

Kabuuang 9,416 katao ang nagsumite ng aplikasyon para sa reactivation at 2,483 ang naghain para sa reactivation na may correction ng entries.

Dagdag pa ng Comelec , nakatanggap din ito ng 12,390 aplikante para sa correction ng entries; 20 para sa pagsasama ng rekord sa libro ng botante ; at 2 para sa reinstatement ng pangalan sa listahan ng botante.

Mayroon ding 1,108 na aplikasyon ang natanggap na naglalayong magpalipat mula sa pagiging isang botante sa ibang bansa.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco , mababa pa ang bilang ng aplikante dahil posibleng abala pa ang mga kababayan sa kanilang mga reunions at pagtitipon para sa Kapaskuhan.

Tatakbo ang voter registration activities hanggang Jan.31,2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden