Voters’ registration sa gov’t, private offices sinisilip ng Comelec

Voters’ registration sa gov’t, private offices sinisilip ng Comelec

October 17, 2022 @ 10:42 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Plano ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng voter registration sa mga government offices at private entities.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hiniling na niya kay Comelec Director Teopisto Elnas na tingnan kung ang plano ay posible sa ilalim ng “Register Anywhere” program ng poll body.

“Ang sabi ko sa kanya, gusto ko mag sample din tayo ng ilang government agencies. Dalhin natin doon ang mga makina natin, magparehistro tayo,” sabi ni Garcia sa isang press briefing.

Naniniwala si Garcia na isa ito sa paraan upang maiwasan ang mahabang pila sa mga registration venues tulad ng Comelec offices at hikayatin ang marami pang indibidwal na magparehistro.

Sa paggawa ng naturang inisyatiba, sinabi ni Garcia na maaaring makita ito ng publiko bilang isang “welcome development.”

Noong nakaraan, ginamit din ng Comelec ang mga shopping mall bilang satellite registration sites para makaakit ng mas maraming Pilipinong karapat-dapat na magparehistro para makasali sila sa mga aktibidad sa halalan.

Noong unang bahagi ng buwang ito, inihayag ng poll body na sisimulan na nito ang pilot testing ng “Register Anywhere” system sa National Capital Region (NCR).

Inaasahang ipagpapatuloy ang mga aktibidad sa pagpaparehistro ng mga botante sa susunod na buwan. Jocelyn Tabangcura-Domenden