Voter’s registration sa mga mall, aarangkada na ulit sa Disyembre

Voter’s registration sa mga mall, aarangkada na ulit sa Disyembre

November 9, 2022 @ 6:47 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tuloy na ang pagpapatupad ng voter’s registration sa limang piling shopping malls sa National Capital Region (NCR) sa darating na Disyembre 17, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Bagama’t aprubado na ng limang mall ang pagdarausan ng voter registration, inaprubahan na ng Comelec en banc noong Oktubre 26 ang “operational plan” ng Register Anywhere Project (RAP) ng komisyon.

Isasagawa ito tuwing Sabado at Linggo mula Disyembre 17 hanggang Enero 29, 2023 (maliban sa Disyembre 24, 25, 31 at Enero 1, 2023).

Sa “pilot period” ng programa, lahat ng kuwalipikadong residente sa Pilipinas ay maaaring magtungo sa napiling mall para magsumite ng kanilang application form, mga requirements at magpa-biometrics upang makapagparehistro bilang botante.

Tanging mga lokal na residente kung saan naroroon ang mall lamang ang pinapayagan na magparehistro sa RAP sites, batay na rin sa unang panuntunan.

Nobyembre 4 nang unang magsagawa ng demonstration ng RAP ang Comelec sa Robinsons Place Ermita sa pangunguna ni Chairman George Erwin Garcia at Commissioner Rey Bulay.

“The COMELEC looks forward to officially kick-off the series of public demonstrations and simulations which will be open to the general public, the media and all other electoral stakeholders,” ayon sa Komisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden