VOTING AGE GAWING 16 YEARS OLD

VOTING AGE GAWING 16 YEARS OLD

July 13, 2022 @ 6:26 PM 1 month ago


AYON sa batas maaari kang magparehistro bilang botante kapag 18 years old ka na – estudyante ka man o hindi, may trabaho man o wala.  Basta 18 years old.  Pero sa SK elections maaaring bumoto at iboto ang 15 years old. Dati ang voting age ay 21 years old bago ito binaba ng 18 years old. Pero ngayon sa tingin ng inyong lingkod ay dapat bigyan na rin ng karapatan sa pagboto ang mas nakararaming kabataan at gawin 16 years old ang voting age.
Kailangan ng amendment sa Saligang Batas dahil nakasaad nga sa Art. V Sec. 1, at least 18 years old dapat ang botante. Ang mga sumusunod ang pwedeng dahilan:
1. Kahit sa ibang bansa iba’t iba ang voting age. Halimbawa 21 sa Singapore, 19 sa South Korea, 17 sa Indonesia, Greece at 16 sa Scotland at Brazil. Mas maraming bansa na 18 years old ang voting age katulad sa mga karamihan sa European Union States. Pero sa Pilipinas may pagkakaiba nga dahil pwede maging botante ang 15 years old pero Sanguniang Kabataan officials lang ang iboboto. Pero bakit hanggang SK lang? Hindi ba sya apektado ng mga batas na ipapasa ng Kongreso, mga polisiyang ipatutupad ni mayor, o mga polisiya ni barangay chairman? Marahil ay panahon na ring bigyan ng karapatan ang 16 at 17 years old na pumili ng lider nila.
2. Mas malawak na ang kaisipan ng kabataan ngayon dahil sa teknolohiya at iba pa. In fact kahit AGE OF CONSENT ay itinaas na ng 16 years old. Pinirmahan ni dating Pangulong Duterte ang RA NO. 11648 raising the age of sexual consent to 16 years old. So, kung may malay na ang 16 years old sa sex, alam na rin niya ang iba pang alam ng isang 18 and above tulad ng pagboto .
3. May mga nagsasabi na masyado pang bata ang 16 years old. Wala pang muwang sa pulitika, walang trabaho at hindi nakapipili ng “tamang” kandidato sa halalan?  Ganyan din ang mga dahilan ng mga tumutol na pabotohin ang mga kababaihan noon pero ngayon mas marami pa nga tayong lider na babae. At di ba marami ngang mas nakatatanda na ang tingin sa eleksyon ay pagkakaperahan. Kahit nasa hustong edad ay nagbebenta ng boto. E bakit sa SK makaboboto ang 16? Dahil praktisan lang ba ng kabataan ang SK Election? Marahil ang mas mahalaga ay siguraduhin ng pamahalaan na well-educated ang ating kabataan para alam kung ano ang mga issues sa halalan.
4. Ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero bigyan natin ang higit na nakararaming kabataan ng karapatang pumili ng mga lider na gagabay sa kanilang kinabukasan. May malayang isipan ang kabataan at marahil mas mabibigyan nila ng halaga ang sagradong pagboto at ‘di ipagpapalit sa konting halaga.
Amyendahan ang Saligang batas.
=========================
Atty. Ariel Inton, Jr, President, Lawyers for Commuters Safety and Protection, 09178174748