VP Duterte sa mga mayor: Ranking ng mga guro ‘wag impluwensyahan

VP Duterte sa mga mayor: Ranking ng mga guro ‘wag impluwensyahan

February 22, 2023 @ 10:46 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Vice President Sara Duterte ang mga local chief executive na umiwas na mangialam o mag-impluwensya sa proseso ng appointment ng mga public schools teacher sa kani-kanilang munisipyo at igalang ang ranking system ng mga educators.

Ang apela ng Department of Education chief ay bunsod ng kanyang pagkilala sa papel ng mga alkalde ng bayan sa paghubog ng “inclusive and resilient growth” sa panahon ng 2023 League of Municipalities of the Philippines General Assembly.

Aniya, ang kalidad ng edukasyon sa mga paaralan ay apektado ng kalidad ng mga gurong kinukuha.

“Kapag hindi natin sinusunod ang ranking ng ating mga guro dahil pinipili natin ang ating mga pulitiko at pine-pursue natin sa loob ng Department of Education, hindi po natin mababago ang kalidad ng edukasyon ng ating bayan,” ani Duterte.

“Kaya po kami ay nakikiusap na sundin po natin ang ranking sa ating pagpili sa mga guro at hindi po natin dapat pinipilit kung sino yung kakilala, kaibigan, kamag-anak natin sa pagpapapasok o pagkuha ng ating mga guro sa Department of Education,” dagdag pa niya.

Sinabi ng bise presidente na nangangako ang administrasyon na dagdagan ang pamumuhunan sa edukasyon sa susunod na anim na taon. Inatasan niya ang mga alkalde na magpulong ng kani-kanilang lokal na lupon ng paaralan upang suriin ang mga pangangailangan ng mga lokal na paaralan.

Hiniling din ni Duterte sa mga lokal na executive na suportahan ang mga paaralan sa “geographically isolated and disadvantaged areas” at tukuyin kung paano makakatulong ang special education fund na dagdagan ang mga pangangailangan ng mga institusyong pang-edukasyon. RNT