VP Leni, napaka-ikli ng memorya- Roque

VP Leni, napaka-ikli ng memorya- Roque

July 21, 2021 @ 4:31 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na tila napaka-ikli ng memorya ni Vice-President Leni Robredo nang ipahayag nito na kapag nahalal siya bilang Pangulo ng bansa sa 2022 elections ay bibigyan niya ng cabinet post si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kapag nagdesisyon itong tumakbo bilang bise-presidente.

“Well, parang napakaikli naman po ng memorya ng ating Vice President. Nakalimutan ba po niya na binigyan siya ng Cabinet post ng ating Presidente, pero mas pinili niya na maging leader ng oposisyon kaysa magtayo ng mga pabahay para sa ating mga kababayan,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

“So iyon lang po, tayo po ang umuukit ng ating tadhana, at saka tingnan po muna natin kung sino ang mananalong Presidente, dagdag na pahayag nito.

Siniguro din ng Malakanyang na iba ang magiging tadhana ni Pangulong Duterte sakali’t magdesisyon itong tumakbo bilang bise- presidente at manalo sa 2022 elections.

Sinabi kasi ni VP Leni na hindi pagdaanan ni Pangulong Duterte ang mga naranasan niya sa pagiging bise-presidente.

Giit ni Sec. Roque, hindi matutulad si Pangulong Duterte sa sitwasyon ni VP Leni  dahil magkaiba naman ang kanilang sitwasyon

“Talaga naman pong tayo ang tumatahak ng ating tadhana, siguro ganyan ang inukit na tadhana ni VP Robredo, sa tingin ko naman po iba ang magiging tadhana ni Presidente Duterte kung sakaling siya ang magiging VP,” diing pahayag ni Sec. Roque.

Aniya pa, hindi nagkulang si Pangulong Duterte sa pagiging Pangulo ng bansa dahil binigyan niya ng posisyon sa gabinete si VP Leni noon  bilang housing subalit mas pinili nitong maging lider ng oposiyon.

Ani Sec. Roque, ito ang naging dahilan kaya naging palamuti na lamang siya ng  limang taon at taga-puna sa mga ginagawa ng administrasyon.

“Kung maalala nyo po, binigyan ng cabinet post ng  ating Presidente si VP Leni pero siya po ang namili na nais niyang maging lider ng oposisyon kaya naging palamuti siya ng limang taon,” aniya pa rin. Kris Jose


  •  
  •  
  •