VP Sara: Away-pulitika siliping anggulo sa Degamo slay

VP Sara: Away-pulitika siliping anggulo sa Degamo slay

March 5, 2023 @ 9:41 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – HINILING ni Vice President Sara Duterte sa mga awtoridad na tingnan ang “political feud” sa Negros Oriental matapos ang insidente ng pananambang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa kaniyang bahay sa lungsod ng Pamplona nitong Sabado ng umaga, Marso 4.

Sa isang kalatas, kinondena ni Duterte ang pagpatay sa gobernador na aniya’y kanyang “political ally” at “dear friend”

“Authorities must immediately probe this cowardly, evil act and bring the perpetrators to justice and pay for their crime, especially the brains behind it,” ani Duterte. “Authorities must start looking at the political feud that has gripped Negros Oriental and has taken so many lives, not just of Gov. Degamo,” dagdag pa niya

Noong nakaraang buwan, hindi inaksyunan ng Korte Suprema ang inihaing petisyon ni Henry Pryde Teves laban sa pagproklama ng Commission on Elections (Comelec) sa katunggali nitong si Roel Degamo bilang bagong gobernador ng Negros Oriental.

Ayon sa Supreme Court Public Information Office, tinalakay ng mga mahistrado sa en banc session ang inihaing temporary restraining order (TRO) ni Teves laban sa proklamasyon kay Degamo.

Pinagbigyan naman ng Korte Suprema ang hiling ng Office of the Solicitor General na kumakatawan sa Comelec na bigyan sila ng dagdag na 30 araw para maghain ng komento.

Ang Comelec ay pinangalanan na co-respondent ni Degamo sa mga petisyon ukol sa gubernatorial race sa Negros Oriental.

Idineklara ng poll body si Degamo bilang bagong gobernador ng Negros Oriental matapos ang mga boto para sa nuisance candidate na si Grego Gaudia na gumamit ng “Ruel Degamo” ay ipinawalang-bisa at idinagdag kay Degamo. Kris Jose