VP SARA DUTERTE, NASA COVER PAGE NG INTERNATIONAL MAGAZINE

VP SARA DUTERTE, NASA COVER PAGE NG INTERNATIONAL MAGAZINE

January 28, 2023 @ 11:17 AM 2 months ago


HINDI lamang lubhang popular sa bansa kundi maging sa international community ang maganda at masipag nating Vice President Sara Duterte na siya ring nagsisilbing Education secretary.

Bilang isa sa mga kinikilalang “empowered and iconic leader”, si VP Sara lang naman ang nasa cover ng Dubai-based magazine na “Xpedition” para sa kanilang 8th year anniversary.

Makikita ang Pangalawang Pangulo na suot ang isang scarlet and ebony-lined Filipiniana at may titulong “Future is now, and the future is the Philippines.”

Ayon sa magazine, pagkilala ito sa isang mahusay na lider na pinagkalooban ng pagtitiwala ng mahigit 32 milyong Pilipino sa nagdaang National and Local Elections 2022. Ito ang pinakamalaking mandato na nakuha ng pinakamatataas na mga lider ng bansa sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa.

Katulad ng inaasahan, maraming netizens at overseas Filipino workers na nasa United Arab Emirates ang nag-aabang na sa paglabas ng magazine na pagmamay-ari ng isang Filipino.

Pero limited edition lamang ang kopya ng Xpedition na mayroong istorya ukol kay VP Sara. Ganyan ka popular ang ating mahal na Bise Presidente na talaga namang iginagalang din ng ating President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr.

Tampok din sa anniversary edition ng magazine ang ilang travelogues at ang food tripping sa Pilipinas na kilala sa kanyang masarap na pagkain at magandang tanawin.  #

-ooOoo-

DSWD NAGBABALA KONTRA SOLICITATION SCAM

PINAAALALAHANAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na mag-ingat at maging mapanuri sa mga humihingi ng solicitation na maaaring pera on in-kind gamit ang palsipikadong permiso mula Kagawaran.

Ito ay matapos na malaman ng DSWD na ang grupong Development for the Blind Welfare Philippines, Inc. ay nagsasagawa ng isang public solicitation drive gamit ang Certificate of Fund Raising na diumano ay mula sa Kagawaran ngunit may pekeng lagda ng opisyal.

Ikinalungkot ng DSWD ang solicitation scam na ito lalo pa’t may mga kababayan tayo at mga kumpanyang may mabuting puso na nabiktima ng grupo.

Kaya apela ng Kagawaran, magtanong muna sa pinakamalapit sa inyong DSWD para masegurado na lehitimong grupo ang lumalapit ng tulong sa inyo at kung kahina-hinala ay kaagad na iulat sa Barangay o sa pinakamalapit na police station.

Sinisira ng mga scammer na ito ang likas na kabaitan at pagka-matulungin ng maraming Pilipino. Maaaring tumawag sa mga sumusunod na hotlines ng DSWD, para sa mga Smart users ay 0943.4648026 at 0943.4648086, at sa mga gumagamit ng Globe ay 0995.7153926 at 0995.7153934.