VP Sara: Kamara bahala na sa P500M confidential funds

VP Sara: Kamara bahala na sa P500M confidential funds

September 22, 2022 @ 4:11 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Ibinibigay na ni Vice President Sara Duterte sa desisyon ng House of Representatives kung ibibigay nito sa Office of the Vice President ang P500M confidential fund na inaprubahan para sa kanyang tanggapan ng Department of Budget and Management(DBM).

Sa plenary deliberation para sa 2023 proposed budget ng OVP ay muling inungkat ni Albay Rep Edcel Lagman ang pagkakaroon ng pondo para sa confidential fund.

Bilang tugon sinabi ni Davao Rep Maria Carmen Zamora na syang nagisponsor ng budget ng OVP na sinabi sa kanya ni Duterte na pinauubaya na nya sa mga mambabatas ang ukol sa nasabing pondo.

“Mr. Speaker, if I may, your honor, the Honorable Vice President has just shared it with me now she is saying she defers to the decision of the majority of this honorable office,” pahayag ni Zamora.

Punto ni Lagman ang pondo para sa nasabing confidential fund na sinasabing mapupunta sa national security at peace and order ay hindi mandato ng OVP.

“In the spirit of patriotism and frugality, considering the limited fiscal space which resulted to the decrease in the appropriation of most government agencies, could the distinguished sponsor ask the Honorable Vice President if she is willing to forego of her confidential funds?” pagtatanong ni Lagman.

Kung sa appropriations committee ay sandali lamang naaprubahan ang budget ng OVP sa plenaryo ay inabot ng 1 oras ang naging interpelasyon ng Minority Bloc ng Kamara.

Sa panig ni Act Teacher Partylist Rep France Castro ay hinihingan nito ng physical at financial plan ang OVP kung saan illagay ang alokasyon, ani Castro, ang P500M na napakalaking halaga ay maaari na sanang ilaan sa mga government agencies na natapyasan ng pondo.

Sa taong 2023 ay P2.3-billion ang budget ng OVP kasama dito ang P500M na confidential fund, ang nasabing halaga ay 3 beses na mas mataas kumpara sa pondo ni dating Vice President Leni Robredo. Gail Mendoza