VP Sara, OSG sinita ni Pimentel sa secret, intel funds

VP Sara, OSG sinita ni Pimentel sa secret, intel funds

November 9, 2022 @ 4:11 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Lantarang sinita ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang inuugali ng tatlong tanggapan ng pamahalaan sa pagsisingit ng confidential at intelligence funds (CIFs) o tinaguriang secret funds sa kanilang badyet.

Partikular na tinukoy ni Pimentel ang pagsisingit ng secret funds ni Vice President Sara Duterte sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dating wala naman na nakalaan kabilang si Atty. Menardo Guevara sa Office of the Solicitor General (OSG).

Ayon kay Pimentel, humingi ng secret funds si Sara sa OVP sa halagang P500 milyon at P150 milyon para sa DepEd at aabot naman sa P19.2 milyon ang hinihinging secret funds ni Guevarra na walang nakalaan sa nakaraang taunang badyet.

“Siguro pwedeng pakiusap dito sa mga ‘to na huwag nang umpisahan ‘yung practice, though how many years wala naman silang confidential funds, umpisahan nila ‘yung bagong practice. Hirap na pong pigilan ‘yan kapag naumpisahan na,” aniya sa ginanganap na deliberasyon ng badyet sa plenaryo.

Sinabi ni Pimentel na lubhang napakalaki ang secret funds na ito na maaaring gamitin ng pamahalaan sa mas mahalagang proyekto at programa tulad ng ayuda sa biktima ng nakaraang bagyo at iba pang kalamidad.

Ikinatuwiran naman ni Senador Sonny Angara na talagang malaki ang halaga ng naturang pondo dahil lumalaki din umano ang badyet.

“Well, the amount seems enormous to us, Your honor. But I suppose we should also take it in perspective that the budget is also growing,” giit ni Pimentel.

Idinedepensa ni Angara ang 2023 national budget bilang chairman ng Senate committee on finance. Ernie Reyes