VP Sara sa Davao City magpa-Pasko

VP Sara sa Davao City magpa-Pasko

December 2, 2022 @ 8:50 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na magpa-Pasko siya sa Davao City kasama ang kanyang pamilya.

“Yes, we will do that with my children and my family, and my mother as well,” ayon kay Duterte.

Gayunpaman, nananatiling hinihintay ng kanyang team ang iskedyul ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para isapinal ang plano nito para sa pagbisita sa Department of Education (DepEd).

“In fact, totoong plano talaga namin is that I move in early. Inaantay lang namin makita kung ano po ‘yung schedule ni Pangulong Marcos, so that we can do our rounds dito sa Mindanao for Department of Education, kasi kailangan din kausapin ‘yung regional offices namin,” anito.

Ipinaliwanang ni Duterte ang kahalagahan ng personal na pagbisita sa mga eskuwelahan sa rehiyon upang makagawa at makapagpalabas ng “on-the-ground assessment.”

Napansin kasi aniya niya ang “disconnection” sa pagitan ng central office, kung saan nanggagaling ang kautusan at regional offices, pababa sa mga eskuwelahan.

“Na-notice ko na there’s quite a disconnect between sa central office and dun sa field operations namin. Something that we did for the Department of Education, binaba ko ‘yung Usecs (undersecretaries)], Asecs (assistant secretaries) namin, binaba ko sila doon sa regions,” aniya pa rin.

Tinukoy ni Duterte ang naging pagpupulong ng mga opisyal ng DepEd sa mga heads ng regional at school division para talakayin ang “on-the-ground challenges,” partikular na sa Leyte at Samar, sa panahon ng kanyang unang tatlong buwan sa tanggapan.

“Doon ko na-notice na marami talaga silang problema doon na sometimes hindi nagkakaintindihan, miscommunication, misunderstanding, lahat ng mis-, nandun sa school. Who bears the brunt of trabaho, the teacher,” wika pa ni Duterte.

Sa kabila aniya ng mga lapses sa operational communication, ang kanilang experimental move ay nakapagbigay ng positive outcome.

“The feedback was, it was very successful, dahil nakapag-ventilate, nakapagsalita ang mga divisions, and hindi nagiging defensive ang regional offices namin kasi nandun kami para makinig, hindi para magalit or mag-utos ,” aniya pa rin.

Maliban sa maayos na koordinasyon sa pagitan ng central, regional, division, at school offices, sinabi ni Duterte na ang kanyang team ay mina-maximize ang feedback na naka- post sa online sa kanyang accounts na kapwa ginagamit para sa DepEd at Office of the Vice President (OVP).

“We use the power of social media to present kung ano ‘yung ginagawa namin sa mga opisina namin, ano ‘yung trabaho ko, and to get feedback. Sa mga comments ng mga tao, sa mga feedback, meron talagang magagandang mga ideas and suggestions galing sa citizenry ,” ayon kay Duterte.

Sa ngayon, ang official Facebook page ni Duterte ay mayroong mahigit na dalawang milyong Facebook users, mahigit naman sa 765,000 ang Instagram followers, at 188,000 ang followers sa Twitter. Kris Jose