VP Sara sa DepEd: Makipag-ugnayan sa PNP sa seguridad ng mga paaralan

VP Sara sa DepEd: Makipag-ugnayan sa PNP sa seguridad ng mga paaralan

January 27, 2023 @ 1:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inatasan ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte ang Kagawaran na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang mas paigtingin pa ang seguridad sa mga paaralan kasunod nang pagkamatay ng isang menor de edad na aksidenteng nabaril ang sarili gamit ang baril ng kanyang ama na dinala sa pagpasok nito.

Ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa nitong Biyernes, Enero 27, inatasan na umano ni Duterte ang kanilang mga undersecretaries para atasan ang mga regional offices at school division offices na makipag-ugnayan sa kani-kanilang PNP counterparts.

“Specifically, gusto natin mapag-usapan kung pwede mag-identify tayo ng mga schools na pwede na po nating— mag-implement tayo, sa tulong ng PNP, ng checking of bags, spot check ng mga bags,” ani Poa sa panayam ng DZBB.

Maaalalang sinabi ng mga awtoridad na nilaro ng 12-taong gulang na bata ang 9mm Baretta ng kanyang ama sa loob ng paaralan nang bigla na lamang itong pumutok.

Tinamaan ang bata na naisugod pa sa ospital ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.

Samantala, sinabi ni Poa na nakikipag-ugnayan din sila sa mga local government unit (LGU) upang makapagbigay ng seguridad at police visibility sa mga paaralan.

“Nakikipag-ugnayan nga po tayo sa LGUs kung matutulungan nila tayo pagdating sa security or also kahit police visibility sa ating mga paaralan ay malaking tulong na para maiwasan ‘yung mga krimen sa ating schools,” aniya.

“Meron nga pong mga tanong kung paano nakapagpasok ng mga ganyang patalim o baril sa ating schools and admittedly we need to strengthen din talaga ‘yung security,” dagdag nito.

Maliban dito, makikipagtulungan din ang DepEd sa mga mental health experts para bumuo ng programa na naglalayong labanan ang karahasan sa mga paaralan. RNT/JGC