VP Sara sa mga LGU: Programang pang-edukasyon, tutukan

VP Sara sa mga LGU: Programang pang-edukasyon, tutukan

March 14, 2023 @ 9:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang local government units (LGUs) na iprayoridad ang mga programang pang-edukasyon para sa mga kabataang Pilipino.

Binigyang-diin ni Duterte ang kahalagahan ng edukasyon upang masiguro ang seguridad ng kinabukasan ng mga kabataan.

Si Duterte ay guest speaker  sa  opening program ng 23rd Banigan Festival sa  Libertad Municipal Plaza sa Libertad, Antique.

“Importante po ang edukasyon at importante na ang ating mga anak ay makapag-aral at makakuha ng maayos na edukasyon,” ayon kay Duterte.

Tinawagan naman ng pansin ni Duterte ang mga magulang na nakiisa sa event na siguruhin na ang kanilang mga anak ay nag-aaral.

“May I enjoin our parents who are here today to keep your children and youth in school or learning technical skills no matter the challenges,” dagdag na wika nito.

Mahalaga aniya para sa bansa na magkaisa at ayunan na ang edukasyon ay “number one ticket” upang matiyak na ang mga kabataang Pilipino ay magkakaroon ng magandang kinabukasan.

Sa kabilang dako, sinabi pa rin ni Duterte na kailangan na ilayo at malayo ang mga kabataan  mula sa banta na dala ng ilegal na droga at recruitment ng  New People’s Army (NPA).

“Importante din na matiyak natin na ang ating mga anak ay malayo po sa landas ng ilegal na droga at sa landas ng insurhensiya. Ang illegal drugs at ang New People’s Army ay parehong sisira sa kinabukasan ng ating mga anak,” aniya pa rin.

Hiniling ni Duterte sa mga magulang na huwag hayaan na manaig ang kasamaan dahil may responsibilidad ang mga ito na protektahan ang kanilang mg anak mula sa panganib ng iligal na droga at  NPA.

“Magiging mas maunlad ang ating bayan kung masusugpo natin ang problema sa ilegal na druga at insurhensiya ng NPA,” anito.

Ginamit naman ni Duterte ang pagkakataon na ipresenta kung paano ang Peace 911,  isang proyekto sa  Davao City kung saan siya nagsilbi bilang alkalde ay nakatulong na i-transform ang  Paquibato District ng lungsod na ginagamit bilang “stronghold” ng  NPA.

Ang distrito ay idineklarang “insurgency-free”  nang matapos ang kanyang termino bilang alkalde noong 2022.

Samantala, pinuri naman ni Duterte ang munisipalidad ng  Libertad at mga manghahabi  nito para sa kanilang “patience, persistence, discipline, at hard work” sa paggawa ng banig at iba pang high quality banig products.

Ang nasabing produkto ani Duterte “bring the spotlight to Filipino craftsmanship and creativity.”

“May we be forever proud of our cultural heritage and work harder for the preservation of the art of mat weaving and the protection of the source of our livelihood,” ani  Duterte.

“I hope to see younger generation of mat weavers continuing this living tradition. May you be tireless in promoting our indigenous products here and abroad, and I wish your industry a continued success,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose