VP Sara tinawag na ‘red-tagging queen’ ng Kabataan Partylist

VP Sara tinawag na ‘red-tagging queen’ ng Kabataan Partylist

August 12, 2022 @ 10:21 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinawag na “red tagging queen” ng Kabataan Partylist Representative si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na agad ding sinansala ng tagapagsalita nito.

Sa isang press conference, iginiit ni Kabataan party-list Rep Raoul Manuel na hindi marapat na ipangalandakan ng gobyerno ang isyu ng diumano’y red-tagging lalo na sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at sa mga nagbibigay proteksyon at panig sa mga katutubo.

Binanggit ni Manuel na kahit si National Security Adviser Clarita Carlos ay tutol o hindi pabor na tawaging komunista ang sinuman sa gobyerno sa pagsasabing hindi ito produktibo.

“Patuloy pa rin ‘yug red-tagging operations, pagpapakalat ng posters, tarpaulin at mismong ‘yung ating DepEd Secretary na si Sara Duterte ay nangunguna. Siya ngayon ‘yung primary figurehead … tila ba siya ‘yung pumalit para maging red-tagging queen sa ating bansa,” giit ni Manuel.

Ngunit agad ding pumalag si Reynold Munsayac, na tagapagsalita ni VP Duterte.

Giit niya na hindi maituturing na red tagging sa Makabayan ang pagsasabi ng katotohanan sa panig ng pangalawang pangulo dahil may katotohanan na nagpapatuloy ang koalisyon sa pagkumbinsi sa mga kabataan na sumapi sa New People’s Army (NPA) dahil ito ay sisira sa kanilang kinabukasan.

“Kagaya po ng nasabi na ng ating Vice President Inday Sara Duterte, ang pagsasabi po ng katotohanan ay hindi red-tagging. Palagi din po siyang may panahon na sabihin ang katotohanan ukol sa Makabayan bloc upang tuluyan na mawakasan ang kanilang panlilinlang sa sambayanan, lalo na sa sektor ng kabataan,” sinabi pa ni Munsayac sa kaniyang mensahe sa mga mamamayahag.

Sina Duterte at ang Makabayan bloc ay nauna ng nagkaroon ng isyu matapos na maipasara ang Lumad schools sa Davao region noong 2019 dahil sa diumano’y ito ay pinatatakbo ng mga guro na may kaugnayan sa ilang terrorist groups.

Ani Duterte ang mga Lumad schools ay ipinasara dahil sa iligal na operasyon nito bunsod ng kakulangan ng sapat na permiso para kilalanin ng gobyerno ang operasyon nito.

Ngunit kinontra ito ng Makabayan bloc sa pagsasabing ang mga Lumad schools ay ipinasara “through a combination of sheer intimidation, state terror and denial of due process” na taliwas umano sa mga pahayag ni Duterte.(meliza maluntag)