VP satellite offices binuksan ni Inday sa ilang rehiyon

VP satellite offices binuksan ni Inday sa ilang rehiyon

July 3, 2022 @ 10:54 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Binuksan ni Vice president Sara Duterte ang mga satellite offices sa ilang rehiyon sa bansa kung saan maaaring makapagbibigay ng agarang serbisyo ang Office of the Vice President (OVP).

Sa isang Facebook post, araw ng Sabado, sinabi ni Duterte na binuksan nila ang anim na satellite field offices sa anim na rehiyon sa bansa sa unang araw pa lamang niya bilang Bise-Presidente ng Pilipinas.

Aniya, ang mga satellite offices ay matatagpuan sa Dagupan (Region 1), Cebu (Region VII), Tacloban (Region VIII), Zamboanga (Region IX), Davao (Region XI), at Tandag in Surigao del Sur (Region XIII).

Matatandaang, nagkaroon na ng “in-person meeting” sa pagitan nina VP Sara at dating DepEd Secretary Leonor Briones.

Idinaos ang unang in-person meeting sa Deped Office sa Pasig City.

Ayon sa pahayag ng DepEd, nagkaroon ng one-on-one na pulong sa pagitan nina Briones at Duterte-Carpio na sinundan ng Transition Team meeting.

Nagbigay si Briones ng pangkalahatang ideya ng gawain ng kagawaran sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Kabilang dito ang buod ng saklaw ng responsibilidad ng DepEd, ang kontribusyon ng kasalukuyang administrasyon sa mga reporma sa basic education at ang pagtukoy sa mga bagay na nangangailangan ng agarang atensiyon sa patakaran.

Sa kanyang tugon, kinilala ni VP Sara ang kontribusyon ng kasalukuyang DepEd team sa mga programa ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Nagkaroon ng kasunduan ang magkabilang panig sa mga usapin sa patakaran na nangangailangan ng agarang atensyon.

Para sa turnover, nagkasundo sina VP Sara at Briones na magdaos ng Joint Farewell and Welcome Ceremony , bukas, araw ng Lunes, Hulyo 4. Kris Jose