W. Visayas todo-alerto vs avian flu

W. Visayas todo-alerto vs avian flu

December 6, 2022 @ 10:46 AM 2 months ago


ILOILO CITY –Nakaalerto ngayon ang Western Visayas matapos magkaroon ng kaso ng Avian Influenza (AI) Type A mula sa mga sample na kinuha sa backyard farm sa Roxas City.

Sinabi ni Engr. Jose Albert A. Barrogo, OIC-Regional Executive Director ng Department of Agriculture Western Visayas Field Unit, unang pinagmumulan ng impeksyon ay ang mga galing sa ready-to-lay-bird na nagmula sa Luzon.

Aniya, nakatanggap sila ng mga report ng mataas na pagkamatay ng mga ready-to-lay na pullets sa Capiz noong nakaraang linggo ng Nobyembre.

Lima sa 10 serum/oropharyngeal swab sample na isinumite sa Regional Animal Diseases Diagnostics Laboratory (RADDL) at ipinadala sa Bureau of Animal Industry para sa confirmatory test ay positibo sa Influenza Virus Type A (IVA) subtype na H5N1.

Sinabi ng Center for Disease Control (CDC), ang H5N1 virus ay mabilis na nakakahawa sa mga ibon at maaaring nakamamatay, lalo na sa mga domestic poultry.

“Sa ngayon, ang lugar ay na-contain at na-disinfect na ng mga awtoridad habang ang mga susunod na hakbang na gagawin ay may kaugnayan sa AI prevention at control measures ang ilalagay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko,” ani Barrogo.

Dagdag pa ni Barrogo na lalo pa silang naghihigpit sa mga bird flu critical areas sa rehiyon partikular sa mga munisipalidad ng Ajuy, Sara, Concepcion, at Dumangas sa Iloilo; Sibalom, Antique; Sipalay, Negros Occidental; Barangay Bugnay sa Jordan, Guimaras; at ilang lugar sa Aklan at Capiz.

Ang natitirang mga lalawigan sa rehiyon ay pinapayuhan na palakasin ang kanilang biosecurity measures, i-activate ang kani-kanilang Provincial Task Force on Avian Influenza at mag-isyu ng mga kaukulang executive order ukol dito.

Hinihikayat din ang publiko na agad na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na municipal o provincial agriculture office ang anumang hindi pangkaraniwang pagkamatay ng mga manok sa kanilang lokalidad.

Kaugnay nito, nagpalabas na rin si Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. noong Disyembre 3, 2022

ng Executive Order na nagbabawal sa pagpasok ng lahat ng live na manok at/o non-poultry at poultry products mula CApiz hanggang Dic. 13.

Samantala, ang Executive Order na nagbabawal sa pagpasok ng lahat ng live na manok at/o hindi manok at mga produkto ng manok at ng mga produkto ay magpapatuloy hanggang hindi pa natatapos ang pagkalat ng avian influenza./Mary Anne Sapico