‘WAG ISISI SA POGO ANG LUMALALANG KRIMEN

‘WAG ISISI SA POGO ANG LUMALALANG KRIMEN

October 3, 2022 @ 4:53 PM 2 months ago


DAHIL walang maipangsagot ang ilang anti-Philippine Offshore Gaming Operators sa maraming trabahong mawawala para sa mga Pilipino at malaking halagang matatapyas sa ating ekonomiya kapag natuloy ang bantang pag-total ban sa lahat ng POGO, nakakatawa lang na isyu naman ng kriminalidad ang ipinangtitira ng mga kakaunting kontra sa napakagandang industriya kung saan nagkakaganansiya ang Pilipinas.

Iniiba na nila ang takbo ng usapin dahil papaano ba naman nila mapabubulaanan ang magagandang numerong dulot ng POGO?

Sa permit pa lang at iba pang fees, nakakolekta na agad ang ating pamahalaan ng P11.1 bilyon mula sa POGO para sa mga taong 2020 at 2021 habang nagbibigay rin ito ng 90,000 trabaho sa mga mamamayan at nakapag-aambag ng halos P200 bilyon sa ekonomiya taon-taon.

Sa office rental pa lang ng POGO, nasa P9 bilyon na agad ito sa isang taon at napakasigla ng ating real estate industry sa ngayon dahil dito. At dahil wala ngang maipangontra ang mga anti-POGO sa ating mga binanggit, naging baliko na tuloy ang kanilang pangangatuwiran at ang sinasabi naman nila ngayon ay napakaraming krimen daw ang naiuugnay sa POGO.

Kabilang daw rito ang mga insidente ng kidnapping, abduction, at disappearances. May ilang homicide rin daw at murder.

Talaga ba? Sabihin na nating totoo ang mga krimeng nabanggit para lang maging todo-todo at tuloy-tuloy ang pag-aargumento tungkol sa isyu, hindi ba problema ito na dulot ng malambot na law enforcement at hindi ng pagkakaroon ng mga POGO sa bansa?

Kahit noon pa namang walang POGO ay nandiyan na ang pag-iral ng iba’t ibang krimen, bakit sa POGO isisisi sa ngayon?

Siguro’y magandang tingnan ito ng bagong upong si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin, Jr., dahil ang totoo’y sa kanya talaga tumatama kapag pinag-uusapan ang lumalalang kriminalidad sa bansa na palagi nating napapanood sa TV at napapakinggan sa radyo sa ngayon at hindi ito tungkol sa POGO, ha? Napakalaki pa naman ng tiwala ni Pangulong Bongbong Marcos sa kasalukuyang hepe ng ating pambansang pulis.

Sana’y palakasin pa ni Azurin ang kanilang hanay upang maprotektahan hindi lang ang ating mga mamamayan kundi pati ang mga foreign worker na nagtatrabaho rito sa ating bansa.

Hindi ba ganoon din naman ang inaasahan ng ating mga overseas Filipino worker sa mga gobyerno sa mga bansang kanilang kinaroroonan?

Sabi nga ng isang labor group leader na si Sonny Matula ng Nagkaisa, gusto natin na palaging protektado mula sa mga kapahamakan ang ating mga OFW sa ibang bansa pero ganoon din ba ang pagtrato natin sa mga dayuhan na nasa ating bansa?

Sa ngayon ay hindi na binibigyang halaga pa ni Justice Secretary Boying Remulla ang ilang isolated “POGO-related crimes” (na lumalabas na away-negosyo lang pala!) sa pagbibigay ng legal opinion ng kanyang kagawaran kaugnay ng kung dapat bang paalisin ang mga POGO.