Waitress ginahasa saka pinatay

Waitress ginahasa saka pinatay

September 3, 2022 @ 11:15 AM 1 month ago


BAGUIO CITY- Kaawa-awa ang sinapit ng isang waitress na kapapasok lamang sa trabaho nito sa isang bar matapos umanong gahasain saka patayin ng hindi pa kilalang suspek nitong Martes sa lungsod na ito.

Walang saplot, nakabusal ng duct tape ang bibig, kamay at may sinturon sa leeg ng matagpuan ang bangkay ng biktimang si Juliet Bajar Hesim, 22-anyos, at taga Angeles City, Pampanga.

Batay sa report ng Police Station 2, Baguio CPO, dakong alas-6:45 ng umaga natagpuan ang bangkay ng biktima sa garahe ng isang compound na pag-aari ni Rodrigo Magsino Jr., 86, may asawa at residente ng #45 Alfonso Tabora, Trancoville, Baguio City.

Ayon kay Camdas station commander Police Major Manuel Canipas Jr., noong Agosto 27, lumuwas ang biktima sa nabanggit na lungsod para magtrabaho sa isang bar sa kahabaan ng Marcos Highway, Baguio City.

Sa ngayon nagpapatuloy ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para alamin ang pagkakakilanlan sa mga suspek at tunay na motibo sa krimen.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa publiko na itigil ang pagpapakalat ng mga hubad na larawan ng isang bangkay bilang pagbigay respeto.

“Our moral principles have taught us to have respect for the dead, to protect human dignity even in death so please stop this abominable act,” sabi ng alkalde.

Sinabi pa ng alkalde na sisikapin ng lokal na kapulisan para panagutin ang sino man na magpapatuloy na magpakalat ng mga sensitibong larawan sa social media at makakasuhan ang mga ito sa paglabag sa Article 201 of the Revised Penal Code on “immoral doctrines, obscene publications and exhibitions” penalized with prison terms or a fine of up to P2,000. Mary Anne Sapico