WAKAS NG CAREER NI CONG. PRETTY BOY SA KONGRESO

WAKAS NG CAREER NI CONG. PRETTY BOY SA KONGRESO

February 23, 2022 @ 11:57 AM 4 months ago


HINDI angkop kailanman na gamitin ninoman ang pwesto sa gobyerno sa anomang uring gawaing panloloko. Ito mismo ang mensaheng nais pong ipabatid ng 500 maralitang pamilyang nagoyo.

Ito po ang kwento ng isang laos na artistang ngayon ay nasa Kong­reso matapos siyang sampahan ng asunto kaugnay ng diumano’y mala­wakang panlolokoooooo.

Heto po, mga tsong, ang hinanakit ng mga biktima ng panggagantso. Pinaasa lamang sila ng kinatawan nila sa Kongreso, kaya naman ngayon ay nagsampa na sila ng asuntong dalangin nila’y magsilbing aral sa iba pang taong gobyernong ang karumaldumal na diskarte ay manloko.

Bakit nga naman hindi? Taong 2016 pa naman kasi nang si­la’y magbayad sa prog­ra­mang “Palupa at Pabahay” ni Quezon City Rep. Pretty Boy ng Kong­reso sa paniwa­lang sila’y magkakabahay.

Kalakip ang sandangkal na dokumento, dinemanda nang tuluyan ang Pretty Boy ng Kongreso.

Nakupo, Diyos ko na mahabagin, ang naturang mambabatas tila mabubutas bunsod ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Grave Misconduct at Act Prejudicial to the Best Interest of the Service na inihain sa Office of the Ombudsman.

Ayon kay Atty. Rhodora Corpuz na abogado ng mga pamilyang nadehado, minabuti ng mga biktima na ihabla na lang ang kongresista matapos mapag-alamang pinaasa lang sila sa wala. Oo, tama, walang ganoong proyekto, ayon mismo sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Socialized Housing and Finance Corporation (SHFC).

Ang matindi pa rito, mga pare koy, maging sa datos ng Quezon City government, walang nakatalang proyektong pabahay sa mga bakanteng lote sa Buenamar Subdivision, Brgy. Novaliches Proper at sa Palmera Homes, Brgy. Sta. Mo­nica sa District 5, Quezon City.

Sa kanilang reklamo, sinisingil umano ang bawat isa sa kanila ng P10,000 hanggang P40,000 ng isang Teny na itinalagang program-in-charge ng kongresista. Giit pa ng biktima, may katibayan sila sa bayarang naganap mismo sa tanggapan ni Congresman.

Sa totoo lang, hindi na bago ang dorobo sa Kongreso. Pero ang ma­tindi rito, tila kakaiba si Kongresman na piniling puntiryahin ang mga pob­reng pamilyang halos kapusin na sa pagkain para lang makalikom ng sapat na halaga sa napakamurang pabahay ng naturang kongresista.

Hasusmaryosep! Hindi pa ba sapat ang ganansyang pork barrel ng Kamara at pati ang mga hampaslupang pamilya ginagatasan pa?

Sadyang napakahirap itanggi ang mga nasabing akusasyon, lalo pa’t suportado ng mga resibong patu-nay ng pinagbayaran nila sa natu­rang pekeng pabahay.

Bukod sa resibong nakalimbag, kasama ang sagisag ng Kamara, may mga dokumento ring hayagang nagsasabing walang ganong prog­ramang pabahay ang gobyerno.

Mukhang diyan na marahil magtatapos ang career ni Pretty Boy ng Kongreso.

o0o

Anomang puna o reklamo, i-text sa 0918924764, 09266719269 o i-email sa [email protected][email protected].