WAKASAN ANG YOSI, LUMAHOK SA WORLD NO TOBACCO DAY BUKAS

WAKASAN ANG YOSI, LUMAHOK SA WORLD NO TOBACCO DAY BUKAS

May 30, 2021 @ 7:02 AM 2 years ago


HINDI lingid sa kaalaman nating lahat na ang sigarilyo ay hindi maitatangging lason talaga sa ating katawan.

Maraming sakit ang dulot ng patuloy na paninigarilyo lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic, higit na pinalala ng sigarilyo at adiksyon nito ang tama ng virus sa ating katawan at kalusugan.

Mamamatay ka sa paninigarilyo na walang kaakibat na responsibilidad ang industriya ng tabako na nagbebenta ng masamang produktong ito.

‘Yan din po ang nabanggit ni Ka Ernesto Ofracio, presidente ng Aktibong Kilusan Tungo sa Iisang Bayan (AKTIB) kung saan nilalason ng sigarilyo pati ang ating kapaligiran – ang lupa, dagat, hangin at ang ating mga komunidad at pamahayanan.

Bukas, Mayo 31, ipagdiriwang natin ang World No Tobacco Day.

Ang panawagan natin ay Commit to Quit: Nagkakaisang Filipino para sa NO Yosi!

Buong araw ang inihandang programa na pinagtulungang iorganisa ng Department of Health (DoH), Department of Education (DepEd) at iba pang ahensya ng pamahalaan, katuwang ang iba’t ibang barangay, civil society organizations at peoples’ organization sa ilalim ng Philippine Smoke-Free Movement (PSFM).

Nagbalangkas ng programa ang Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM), AKTIB, PUP SPEAK, Sustainable Development Network Solutions (SDSN-Youth), Imagine Law at iba pa para linawin ang konsepto ng smoke-free at ang masamang epekto ng sigarilyo at iba pang produktong tabako sa ating kalusugan at kapaligiran.

Ang PSFM ay kilusan ng mamamayan na pinangangasiwaan ng SWP upang itaguyod ang mahigpit na pagpapatupad ng Executive Order 26 na nilagdaan ni Presidente Duterte o ang pagbabawal ng paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar at sasakyan at isabatas ang Smoke-Free Act sa lalong madaling panahon.

Bilang paghahanda, ang SWP at AKTIB ay kasalukuyang nag-iikot sa iba’t ibang barangay at komunidad upang hikayatin ang mamamayan na itigil ang paninigarilyo at proteksyunan ang ating mga kabataan at pamayanan, nagtatayo ng mga smoke-free homes, smoke-free communities at smoke-free barangays.

Ang lahat ay inaanyayahang lumahok sa May 31 World No Tobacco Day at mapanonood ang selebrasyon na ito sa Department of Health (DOH), Department of Education at Philippine Smoke-Free Movement (PSFM) Facebook Live.

Makilahok po tayo para wakasan ang yosi kadiri!

‘WAG PASAWAY AT CHOOSY SA BAKUNA NGAYONG GCQ

Ano ba itong ilan nating kababayan na tila naging pasaway simula pa lang noong maging General Community Quarantine with heightened restrictions ang ating status sa Metro Manila at NCR Plus bubble?

Sunod-sunod kasi ang mga nakitaan ng paglabag sa ipinaiiral na alituntunin ng Inter-Agency Task Force o IATF katulad na lamang ng nangyari sa Caloocan, Maynila at Pasay na mga malakihang pagtitipon.

Talaga namang matutuyuan ka ng dugo sa kaliwa’t kanang pasaway ng ilan nating kababayan na walang ginawa kundi ang magpasarap habang ‘di alintana ang panganib na nakaamba ngayong nananatili pa rin ang pandemya.

Kaya naman todo paalala ng ating pambansang pulisya na itigil muna ang mga kapistahan, lalo na ngayong panahon ng mga selebrasyon, upang hindi makapamyesta ang kalabang si COVID-19 na hindi natin nakikita.

Tulungan po natin ang gobyerno sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinatakdang panuntunan ng ating IATF upang tuloy-tuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa at manumbalik sa normal ang ating pamumuhay.

Magpabakuna na po tayo at huwag nang maging choosy sa mga brand ng bakuna na nagdaratingan dahil ang kalaban nating si COVID-19 at iyang virus na ‘yan ay hindi po choosy sa kanyang maaaring hawaan anomang oras.

Sabi nga ng mga health expert, ASAP ay dapat nang magpabakuna lalo na ngayong may Indian variant na mas matindi kumpara sa ilang variant na kumakalat.

Sa pamamagitan po ng pagkakaroon ng bakuna, mababawasan ang inyong risk at maaaring maging mild lang ang tatamang virus sa inyong katawan kumpara sa walang proteksyon o bakuna na posibleng maging malubha pa kung kayoy tatamaan ng nakahahawang COVID-19. Kaya naman todo ang kampanya ng ating pamahalaan, sumunod na po tayo upang manatiling ligtas ang ating pamilya.

—000—000—000—

Para sa inyong mga komento o sumbong, maaari po kayong tumawag o mag-text sa ating 1-Ang Edukasyon Partylist Hotline: 0927.930.25.81 at makaaasa po kayo sa agarang tugon ng inyong mga mensahe.