Wala akong binayarang mayoralty bet para umatras – Lopez

Wala akong binayarang mayoralty bet para umatras – Lopez

January 24, 2022 @ 10:48 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng isang mayoralty candidate sa Maynila ang ugong-ugong na nagbayad ito ng kalaban para umatras sa 2022 local elections.

Sa Balitaan sa Maynila, sinabi ni Manila mayoralty candidate Atty. Alex Lopez na hindi totoong may binayaran siya na kapwa kandidato para lamang umatras sa nasabing posisyon.

Katunayan aniya ay maraming nag-endorso sa kanya na mga pulitiko para tumakbo sa pagka-alkalde ng Maynila dahil naniniwala sila na isa siyang pinaka credible opposition.

“Wala po tayong ganung pera para mamili ng mga kandidato po para umatras”, diin pa ni Atty.Lopez .

Samantala, sinabi ni Atty. Lopez, na ipagpapatuloy nito ang magagandang proyekto ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sakaling siya ay palarin na manalo bilang alkalde ng lungsod.

Tutulongan din aniya ang mga mahihirap para umunlad at maiangat ang kanilang pamumuhay.

Aniya ang kanyang puso, lakas at talino ay ide-dedicate sa pagtulong sa Manilenyo lalo na sa mga mahihirap.

Nagpasalamat din ito nang tugunan ni Mayor Isko ang kanyang panwagan na mabigyan ng trabaho ang mga Manilenyo lalo ngayon panahon ng pandemya.

Kasunod ng panawagan ng mayoralty candidate, nagkaroon ng programa na makakatulong sa mamamayan ng Maynila.

Kaya iniimbitahan ni Atty. Lopez ang lahat ng mga walang trabaho na samantalahin ang pagkakataon habang naghahanap ang Public Employment Service Office (PESO) ng mga magiging benepisyaryo para sa KASAMA (KAlinga SA MAnileño) Program na naglalayon na makapagbigay ng hanapbuhay sa mga Manileño na nawalan ng trabaho o naghahanap ng trabaho.

Ang ilan sa benepisyon nito ang pagkakaroon ng sahod na Php. 537.00/kada araw at group accident insurance.

Sa mga nagnanais na mag-apply kailangan walang trabaho; residente ng Maynila; 18-anyos pataas; at pumapayag na magtrabaho at ma-assign sa iba’t ibang Departamento o tanggapan sa Lungsod ng Maynila.

Hangad naman ni Atty. Lopez na sana maging bukas ang nasabing programa sa lahat ng Manilenyo at huwag itong magkulay politika.

Sa programang ito, libo-libong mahihirap na Manilenyo ang aasenso.

Si Lopez ay tumutulong pa rin kahit na hindi nakapuwesto sa anumang posisyon sa gobyerno, lahat ng mga tumatawag sa kanya ay agad nitong nirerespondehan.

Halimbawa nito ay ang kanyang mga trabahador na kahit na hindi nakakapasok sa panahon ng pandemya ay patuloy na sumasahod at may kaakibat pang ayuda. Jocelyn Tabangcura-Domenden