Wala nang mangyayaring COVID lockdown – PBBM

Wala nang mangyayaring COVID lockdown – PBBM

July 25, 2022 @ 6:26 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Wala nang mangyayaring lockdown.

Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang unang State of the Nation Address nang talakayin niya ang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.

Inamin din ng Pangulo na hindi na kaya ng Pilipinas ang isa pang lockdown kaya naman dapat magkaroon ng balanse sa pagitan ng ekonomiya ng bansa at kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino.

“Sa ating sitwasyon na pangkalusugan, nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 lalo’t may mga nadidiskubreng variant ng coronavirus, pero hindi na natin kakayanin ang isa pang lockdown,” ani Marcos.

“Wala na tayong gagawing lockdown. Dapat nating balansehin ang kalusugan at kapakanan ng ating mga mamamayan sa isang banda at ekonomiya naman sa isang banda,” dagdag pa ni PBBM.

Giit pa ni Marcos, na kamakailan lang ay nahawahan ng coronavirus, na kanya pang paiigntingin ang information campaign maging ang vaccination program ng Pinas.

Ito ay para matiyak na rin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa gitna ng pagpapatuloy ng in-person classes.

Pinananatili din ni Marcos ang COVID-19 Alert Level System pero babaguhin ang mga saklaw nito base na rin sa dikta ng lumilipas na panahon.

Nauna nang sinabi ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang ahensya ay maaaring gumawa ng mga bagong klasipikasyon sa ikalawang linggo ng Agosto. RNT