Wala pang naiuulat na nasawi sa Masbate quake – PDRRMO

Wala pang naiuulat na nasawi sa Masbate quake – PDRRMO

February 16, 2023 @ 1:39 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sa kasalukuyan ay wala pang ulat ng nasawi kasunod ng magnitude 6 na lindol na tumama sa Masbate, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office nito ngayong Huwebes.

“As of now, wala pang sinu-submit ang mga local DRRMOs as to casualties and damage,” pahayag ni Masbate PDRRMO head Dr. Adonis Dilao.

Sinabi ng state seismologists na niyanig ng lindol ang lalawigan kaninang alas-2:10 ng umaga. Ang epicenter ay 11 kilometers southwest ng Batuan na may lalim na 10 km.

Naramdaman ito sa maraming lugar sa Masbate City kung saan kinailangang ilikas ang mga pasyente sa isang ospital.

“Medyo malakas lalo na dito sa City of Masbate kasi pati ‘yung mga kawad ng kuryente gumagalaw, yumuyugyog. Pati ‘yung mga sasakyan na naka-park nayuyugyog talaga. Medyo malakas kesa kahapon,” paglalahad ni Dilao.

Kasunod ang lindol ng shallow magnitude 5 earthquake na tumama sa probinsya.

Sinuspinde na ng city government ng Masbate ang mga klase sa lahat ng lebel habang kanselado rin ang trabaho para sa government employees, maliban sa nasa frontline offices.

Hanggang nitong alas-8 ng umaga, nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng 81 aftershocks, na may magnitude mula 1.6 hanggang 4.2.

Sa bilang na ito, 33 pagyanig ang plotted habang 13 ang naramdaman. RNT/SA