Wala pang pag-aaral sa mapagkukunan ng pondo sa Maharlika – Escudero

Wala pang pag-aaral sa mapagkukunan ng pondo sa Maharlika – Escudero

February 19, 2023 @ 8:39 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Francis Escudero na wala pang pag-aaral sa pagkukuhanan ng pondo para sa proposed Maharlika Investment Fund (MIF).

“Kada araw nagbabago depende kung sino ang kausap mo, nagbabago depende kung sinong congressman at senador ang kausap mo na nagsusulong nito. May kanya kanyang opinion sila, ang pinagbabatayan ko lamang ay ang nakasulat sa mga panukalang batas na pending sa Senado at yung inaprubahan ng Kamara,” sinabi ni Escudero nang tanungin kung may sapat na pagkukuhanan ba ng pondo para sa MIF.

“Walang pag-aaral na sumusuporta kung saan kukunin. Kung maalala mo unang kukunin ‘yan sa GSIS at SSS, ang daming pumalag,” aniya.

Noong Disyembre, ipinasa ng Kamara ang House Bill 6608, o ang Maharlika Investment Fund Act, ay naglalayon na magkaroon ng independent fund ang bansa na kukunin mula sa investible funds ng piling government financial institutions (GFIs), mula sa kontribusyon ng national government, declared dividens mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at iba pa.

Sa orihinal na plano ng mga may-akda, ang investible funds ng Government Service Insurance System at Social Security System ay kasama sa pagkukuhanan ng pondo ng sovereign wealth fund, ngunit kalaunan ay inalis matapos na magpahayag ng pagkabahala ang mga pensioners kaugnay nito.

Sa ilalim ng panukala, ang pondo ay gagamitin para ipuhunan sa strategic at commercial basis, na layong makapagsulong ng fiscal stability para sa economic development at mapalakas ang top-performing GFIs sa pamamagitan ng karagdagang investment platforms na makatutulong sa pagtupad sa mga prayoridad ng pamahalaan.

Samantala, sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng deliberasyon ang Senado sa kanilang bersyon ng MIF bill.

Noong nakaraang taon, sinabi ni Albay Representative Joey Salceda, umuupong chair ng ways and means panel, na sumailalim sa revision ang MIF bill noong Christmas break.

Partikular na rito ang ideya na ang dibidendo mula sa government-owned and controlled corporations (GOCCs) ang susuporta sa MIF, kasabay ng pag-alis sa dibidendo ng BSP at state-run banks mula sa pagkukuhanan ng pondo.

Nagpahayag naman ng pagtutol si Finance Secretary Benjamin Diokno sa planong ito. RNT/JGC